455 total views
Naninindigan ang isang Pari na hindi nagkukulang sa pagpapaalala ang Simbahan sa pagtataguyod ng dignidad at moralidad ng tao.
Ito ay kasunod ng dumaraming bilang ng bagong kaso ng HIV sa Pilipinas, lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay Father Norman Peña, Executive Secretary ng CBCP Episcopal Commission on Culture, normal sa kultura ng mga Filipino ang pagiging konserbatibo at ang pagkakaroon ng mataas na moralidad dahil sa pagiging isang Kristiyanong bansa ng Pilipinas.
Gayunman, sinabi ng Pari na dahil sa nagbabagong impluwensya ng lipunan ay kapansin-pansin ang pagbaba ng moralidad dahil sa pagiging agresibo ng mga kabataan sa paggawa ng sekswal na aktibidad.
“Sa Pilipinas as a culture, mataas ang morality natin kasi nga Catholic tayo, pero ang mababa ay yung observance ng morality, yun ang kailangan din natin i-distiguish kasi in reality tayo din in Sense of Observance hindi natin natutuunan ng pansin. Ang dami nating inaalala maraming mga problema so siguro ganun even the young people, parang naiimpluwensyahan because of that yung mga nakikita nila around, na iimpluwensyahan yung observance nila ng morality.” pahayag ni Father Peña sa Radyo Veritas.
Tiniyak naman ni Father Peña na hindi tumitigil sa pangangaral at pagpapaalala ang buong Simbahang Katolika sa tamang pagtataguyod ng dignidad at moralidad ng isang tao.
Gayunman, sinabi nito na kinakailangan pa rin mabantayan at magabayan mula sa tahanan ang moral values ng isang kabataan.
Nilinaw ng Pari na sa kabila ng mga paalala at aral na ibinabahagi ng Simbahan sa mamamayan ay mayroon pa ring sariling pagpapasya.
Iginiit ng Pari na ito ang isa sa mga salik ng kultura ng isang tao na hindi masasaklawan o maaaring kontrolin ng simbahan.
“Ang Simbahan ay patuloy namang nag papaalala, kaya yun talagang personal responsibilities ng mga mas malapit, for example yung mga magulang, mas mababantayan, masusubaybayan yung kanilang mga anak kung ano talaga yung dapat mas pahalagahan nila yun siguro yung kulang. At the end of it all, ang simbahan is hindi pa rin nya makokontrol talaga yung lahat na dapat gusto ng tao. Ipinapaalala ng simbahan lagi kung ano yung sinasabi ng Diyos kung ano yung makaka improve ng dignidad ng persons pero in the end, yun pa ring tao [ang magdedesisyon], yun siguro yung mahirap talagang minsan pag-isipan.” Dagdag pa ng Pari
Batay sa pinaka huling datos ng Department of Health, nito lamang Agosto 2018 ay nakapagtala ang ahensya ng 1,047 bagong kaso ng HIV.
Sa loob din ng buwang ito, umabot sa 159 ang naiulat na namatay dahil sa karamdaman.
96 na porsyento dito, na katumbas ng 153 indibidwal ay mga kalalakihan.
Nakasaad din sa ulat ng ahensya na nangunguna pa ring dahilan ng pagkalat ng sakit ay ang sexual contact sa may 1,022 naitalang kaso, habang natukoy naman na ang pag-gamit o pag-inject ng drugs ang dahilan ng pagkahawa ng 17 kaso ng HIV.
Taong 1984 nang unang madiskubre ang HIV/AIDS, at simula noon hanggang sa kasalukuyan mahigit na sa 58-libo ang mga kumpirmadong kaso ng HIV ang naiulat sa Pilipinas.
Sang-ayon sa Compendium of the Catechism of the Catholic Church, ang pagpipigil sa sarili ay isang mahalagang salik upang mapanatili ng isang indibidwal ang kadalisayan ng kaniyang pagkatao.