356 total views
Mga Kapanalig, may kasabihan tayong mga Pilipino na kapag maikli ang kumot, matutong mamaluktot. Nangangahulugan itong kailangan nating maging masinop sa ating pera at maghinay-hinay sa ating paggastos. Magandang katangian ito, ngunit paano naman kung hindi na natin mabili maging ang mga pangunahing pangangailangan natin kahit ano pang paghihigpit ng sinturon ang gawin natin? Hanggang kailan tayo mamamaluktot?
Patuloy nating nararanasan—lalo na ng mahihirap nating kababayan—ang matinding epekto ng mabilis na pagtaas na presyo ng mga bilihin. Nitong Setyembre, umabot sa 6.7% ang inflation rate o ang bilis ng pagtaas ng halaga ng mga bilihin. Ang nakababahala pa, mas mabilis ang pagtaas ng presyo ng pagkain at transportasyon. Ang presyo ng pagkain at mga inuming di-nakalalasing ay umakyat nang mas mabilis kaysa sa ibang produkto—9.7%. Samantala, umabot naman sa 8% ang inflation rate sa transportasyon. Hindi rin pantay-pantay ang nararanasang pagtaas ng presyo ng mga bilihin ng mga Pilipino sa iba’t ibang lugar. Kung 6.3% ang inflation rate dito sa Metro Manila, umabot naman ito ng 10.1% sa Bicol at 9% sa ARMM, mga rehiyong mataas ang antas ng kahirapan. Kung inflation sa presyo ng bigas ang pag-uusapan, pumalo ito nang mahigit 10% sa Ilocos Region, Bicol, at Zamboanga Peninsula.
Kaya naman, hindi na nakapagtataka ang resulta ng pinakahuling survey na ginawa ng Social Weather Stations o SWS kung saan lumabas na 3 sa 10 Pilipino o 31% na lamang ang naniniwalang gaganda ang kalagayan ng ekonomiya ng bansa. Malayo na ito sa 60% noong nagsimula ang panunungkulan ni Pangulong Duterte. Mas marami na rin ang nagsabing mahirap sila. Mula 48% noong Hunyo, ang tinatawag na self-rated poverty ay umakyat sa 52%, na katumbas ng 12.2 milyong pamilya.
Maraming dahilan kung bakit tayo nasa ganitong kalagayan ngayon, kabilang ang mga nangyayari sa labas ng ating bansa na nakaapekto sa ating ekonomiya gaya ng pagtaas ng halaga ng langis sa world market at paghina ng halaga ng piso. Gayunman, mas malaki ang epekto ng mga patakarang ipinatutupad ngayon dito sa atin, gaya ng mas mataas na excise tax sa inaangkat nating produktong petrolyo. At kung mataas ang presyo ng petrolyo, tiyak na magmamahal ang mga bilihin. Hindi rin nakatutulong ang mabagal na pagtugon ng pamahalaan sa isyu ng kakulangan ng suplay ng bigas, na nagdulot naman ng pananamantala ng mga negosyante. Nangyayari ang lahat ng ito ngayong ipinatutupad na ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion Act o TRAIN, kaya’t may mga nagsasabing “wrong timing” ang pagsasabatas nito.
Hindi naman natin inaasahan ang pamahalaang matutugunan ang ugat ng problema ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa loob lamang ilang araw o ilang buwan. Ngunit sa halip na tanggaping may problemang kinakaharap ang ating ekonomiya at agapan ang sitwasyon bago pa ito mas lumalâ, nakikita natin ang ating mga lider na pamumulitika at paninira sa kanilang mga kritiko ang inaatupag.
Sa mga panlipunang turo ng Simbahan, binibigyang-diin ang tungkulin ng pamahalaan sa pagtiyak sa kabutihan ng lahat o ang common good. Nakaatang din sa pamahalaan ang paggabay sa mga mamamayan upang magampanan natin ang ating tungkulin sa iba at sa bayan. Bagamat dapat panatilihing maliit ang papel ng pamahalaan sa mga bagay na kayang tugunan ng mga mamamayan, batay na rin sa prinsipyo ng subsidiarity, hindi dapat maging pabayâ ang pamahalaan sa malalaking isyung katulad ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at mabagal na paglago ng ekonomiya.
Kaya mga Kapanalig, hindi paglalabis ang hilingin sa ating mga lider na tutukan nila ang ating ekonomiya. Marapat lamang na pagsikapan nilang tutukan ang mga isyung ‘ika nga’y malapit sa ating sikmura. Maraming solusyon ngunit ang aksyon ay dapat nang gawin ngayon.
Sumainyo ang katotohanan.