304 total views
Umaasa si Aid to the Church in Need Philippines Chief Executive Officer Former Philippine Ambassador to the Holy See Henrietta de Villa na muling maibalik sa kaugalian ng mga Filipinong kabataang Katoliko ang pananalangin ng Santo Rosaryo.
Ayon kay De Villa, nawa ay magsilbing panimula ang inilunsad ng ACN Philippines na 1 Million Children Praying the Rosary Campaign sa bansa upang muling maibalik ang naturang magandang kaugalian ng mga Filipinong Katoliko partikular na sa mga kabataan.
Iginiit ni De Villa na magandang pagkakataon ang pananalangin ng Rosary ng mga kabataan upang ipagdasal rin ang iba pang mga bata sa buong mundo na dumaranas ng mga paghihirap sa kanilang murang edad.
“Kasama ng ating mga anak, ng ating mga apo, lahat ng mga bata, ulukan natin sila na magdasal para sa ibang bata rin na nahihirapan at pinapahirapan sa buong mundo. Araw-araw gawin nating kaugalian na ang mga bata magdadasal ng Rosaryo kasama natin…” pahayag ni Ambassador de Villa sa panayam sa Radio Veritas.
Naging matagumpay na isinagawa ang kauna-unahang paglahok ng bansa sa simultaneous One Million Children Praying the Rosary Campaign sa Diocese of Caloocan na pinangunahan ng mga kabataang mag-aaral ng San Jose Academy kasama ang mga kabataan mula sa Syria, Korea, Australia at Marawi.
Ipinagdarasal ng mga kabataan ang kapayapaan sa buong mundo gayundin ang iba pang mga batang biktima at naulila ng kaguluhan, digmaan at karahasan gaya ng mga kabataang Filipino na naulila dahil sa marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Nagkaloob rin ang mga estudyante ng San Jose Academy ng kanilang mga allowance o baon upang makatulong na makalikom ng pondo para sa mga programa ng Aid to the Church in Need sa mga kabataan partikular na sa persecuted Christian Communities sa iba’t ibang bansa.
Batay sa tala ng ACN Philippines, bukod sa mahigit 80 iba’t-ibang bansa na nakibahagi sa naturang simultaneous Worldwide Prayer Event ay nakiisa rin ang may 777-mga paaralan at 1,289 na mga parokya sa Pilipinas.