188 total views
Sinasaad sa Gaudium Et Spes o Pastoral Constitution in the Modern World na bawat tao ay binigyan ng pagkakataon na maligtas at makasama sa kaluwalhatian ng Diyos.
Kabilang dito ayon kay Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani Jr. ang mga batang biktima ng aborsyon o hindi sinasadyang isinilang ng wala sa panahon at namatay.
“Turo ng Simbahan, sinasabi that God gives to each person the opportunity the chance to be save. So, no one is done in hell unless that person rejects the love of God. Kung hindi ni-reject ang love of God ng taong ‘yun mapupunta yun sa kaharian ng langit. Kaya ang taong na-abort o kaya nakukunan o kaya yung mga sanggol na nakalabas na subalit wala pang kaisipan ang mga iyan ay dapat nating asahan na napapasakaharian ng ating Amang nasa langit,” paliwanag ni Bishop Bacani sa panayam ng Radio Veritas.
Sa tala, taong 1997 bagama’t ilegal sa Pilipinas ang aborsyon tinatayang umaabot sa 400 libo ang mga na-abort sa bansa batay sa datos ng World Health Organization.
Ayon pa sa ulat, 70 porsiyento sa mga ito ay dahil sa ‘unwanted pregnancies’.
Ipinaliwanag ng Obispo na ang mga batang walang muwang ay nakakatiyak na bibiyayaan ng awa ng Panginoon.
Inihayag ng Obispo na sinasabi sa katuruan ng Simbahan na ang sinumang hindi tinalikuran ang pagmamahal ng Diyos ay tiyak ang lugar sa langit tulad ng mga batang pumanaw dahil sa sakit o wala pang sariling kaisipan.
Sinabi naman ng Obispo na malaki ang responsibilidad ng bawat magulang na ibigay ang lahat ng pagkakataon na mailapit ang kanilang anak sa Panginoon sa pamamagitan ng mga sakramento ng simbahan.
“Lahat ng maitutulong ng Simbahan para sa kaligtasan ng bata, para din sa ikababanal ng bata. The parents are the first educator of children. Isang pinakaunang responsibilidad na bigyan ng lahat ng tulong na bigyan ng binyag. Na ang batang ‘yan ay magkaroon ng super natural help na mula sa Diyos na mamuhay bilang anak ng Diyos,” ayon pa sa Obispo.
Dagdag pa ng Obispo, maari ding binyagan ng mga magulang ang kanilang bagong silang na sanggol lalu na’t nasa bingit ng kamatayan o may malubhang kalagayan at maaring hindi na umabot pa sa Simbahan.
Payo naman ni Bishop Bacani sa mga magulang na nawalan ng anak sa batang edad na ipaubaya na sa Panginoon at umasang igagawad ng Diyos ang kaniyang pagpapala at pagmamahal sa mga pumanaw.