361 total views
Sa harap ng krisis sa ekonomiya ng bansa, hinikayat ng isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang mamamayan na patuloy na ipanalangin ang katatagan ng mga namumuno sa pamahalaan.
Ayon kay Sorsogon Bishop Arturo Bastes, Chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Mission kailangan ng bansa ng tapat na mga opisyal na mamumuno sa Pamahalaan na may pagmamalasakit sa mamamayan lalo na sa mga mahihirap.
“We are praying for the people in the Government that we will have good Economic Managers,” pahayag ni Bishop Bastes sa Radio Veritas.
Ito ay kaugnay sa patuloy na paghihirap na nararanasan ng mga Filipino dahil sa mataas na presyo ng mga bilihin at serbisyo na pangunahing pangangailangan ng tao.
Una na ring inihayag ng ilang mga mambabatas at pinuno ng iba’t ibang sektro, malaki ang epekto ng pagpapatupad ng reporma sa pagbubuwis ng pamahalaan o ang Tax Reform for Accelaration and Inclusion (TRAIN) Law sa pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin dahil sa ipinapataw na buwis sa mga produktong langis.
Iginiit ni Bishop Bastes na bagamat walang kapangyarihan ang Simbahan para baguhin ang mga polisiyang ipinatutupad ng Estado, umaasa itong gagawa ng hakbang ang pamahalaan upang maibsan ang paghihirap ng mamamayan lalo na ang mga mahihirap.
“I hope that at least they will not tax the fuel, not tax so many things because the people are already suffering,” ani ng Obispo.
Sa tala ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Setyembre umabot sa 6.7-porsiyento ang itinaas sa presyo ng mga bilihin partikular sa produktong pagkain na sa pagsusuri ng Social Weather Station (SWS) halos 12 milyong pamilya sa bansa ang nagsabing sila ay naghihirap o katumbas sa halos 60 milyong Filipino.
Paliwanag ng Obispo nakadepende lamang ang Simbahan sa mga taong bumubuo dito na tumutulong upang maitaguyod ang mga proyekto para mapaunlad ito.
“If the people are suffering, the Church is also suffering.” dagdag ni Bishop Bastes.
Sa panig ng Simbahan, gumagawa rin ito ng mga hakbang na makatutulong maiangat ang mamamayan sa karukahaan tulad ng pagbibigay ng libreng pagsasanay pangkabuhayan.