293 total views
Naging matagumpay ang isigawang concert ng mga Pari ng Diocese of Novaliches bilang handog sa pagtatapos ng ‘Year of the Clergy, Religious and Consecrated Persons’.
Layunin din ng konsiyerto ang makalikom ng pondo sa ipinapatayong ‘Tahanang Pari Renewal Center’ –isang retirement home para sa mga pari ng Diocese of Novaliches bilang gantimpala sa kanilang pagsisilbi sa kawan ng Diyos.
Pinangunahan ni Fr. James Nitollama, Parish Priest ng Epiphany of Our Lord Parish, Camarin Caloocan ang inisyatibo, kasabay ng pagidiriwang ng kaarawan noong ika- 4 ng Nobyembre.
“Usually pag birthday ko may concert pero sabi ko dapat hindi lang para sa akin so gawin ko rin itong celebration nang Year of the Clergy and Consecretaed Persons kasi magtatapos na,” bahagi ng pahayag ni Fr. Nitollama.
Dahil dito labi ang pasasalamat ng pari sa mga dumalo at nakikiisa sa “Clergy and Religious: “GOD IS GLORIOUS” concert na ginanap noong Sabado ika-3 ng Nobyembre sa Caloocan City Sports Complex, Bagumbong Caloocan.
Kabilang sa mga dumalo sa konsyerto si Novaliches Bishop Antonio Tobias kung saan sa pambungad na panalangin ay binigyang diin ang kahalagahan ng pakikipagkaisa ng mga Pari, Relihiyoso at mga nagtatalaga ng buhay sa Panginoon sa bawat mananampalataya upang higit pang mapalakas ang ugnayan tungo sa kaharian ng Panginoon.
Hiling din ni Fr. Nitollama sa mananampalataya na patuloy ipagdasal ang mga pari at madre upang mas mapalakas at mapatatag sa paglilingkod sa Panginoon sa kabila ng mga pagsubok na nakakaharap sa gitna ng pagmimisyon.
Tampok sa konsyerto ang pagtatanghal ng Our Lady of Fatima University chorale, ang Tres Padres na sina Rev. Fr. Luciano Felloni, Rev. Fr. Allan Samonte at Rev. Fr. Jansen Ronquillo at ang Priests Supply na binubuo nina Rev. Fr. James Nitollama, Rev. Fr. Leo Laguilles at Rev. Fr. Falky Falcasantos na magiliw nagbahagi ng kanilang talento sa mga nanood.
Sina Fr. Nitollama, Fr. Felloni at Fr. Ronquillo ay kabilang sa mga Anchors ng Radio Veritas sa iba’t ibang mga programa ng Katolikong himpilan.