161 total views
Hinimok ng Obispo ang mga mambabatas na lumikha ng batas na nagbabawal sa pagsasalita ng bastos at pagmumura lalo na sa pampublikong mga lugar.
Ayon kay Baguio Bishop Victor Bendico mahalagang mapalakas ang ganitong uri ng batas upang matutuhan ng mga kabataan ang paggamit ng mga angkop na salita na hindi nakakasakit sa kapwa tulad ng pagmumura.
“I would urge them to replicate and implement this kind of ordinances [Anti-Profanity Ordinance] in other places so that through this atleast yung ating mga bata kung may maririnig man sila they would be able to hear good words not bad words,” bahagi ng pahayag ni Bishop Bendico sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa pagpapatupad ng Ordinansa sa Baguio City na Anti-Profanity Ordinance, na nagbabawal sa pagsasalita ng mga bastos na salita at pagmumura sa mga piling institusyon at lugar na madalas pinupuntahan ng mga kabataan.
Iginiit ni Bishop Bendico, bukod sa nasabing ordinansa mahalaga masimulan sa mga tahanan ang pagtuturo sa mga kabataan ng kabutihang asal na nararapat pangunahan ng mga magulang ang paglalahad ng mga magagandang salita at hindi ang pagmumura.
Paliwanag ng Obispo sa ganitong pamamaraan ay mahubog ang kabataan tungo sa mabuting asal lalo na’t may ilang matataas na opisyal ng pamahalaan ang hayagang nagmumura sa publiko na napapanood at naririnig ng mga kabataan.
Nasasaad sa Ordinansa na maaring mapaalis sa eskwelahan ang mga estudyanteng lalabag dito habang hinimok naman ang mga lugar, institusyon at maging ng ilang establisimiyento na madalas pinupuntahan ng mga kabataan na maglagay ng mga post signages bilang pakikikiisa sa kampanya at pagpapatupad ng ordinansa.
Binigyang-diin din dito na ang kalapastangan sa pagsasalita ay nakasisira sa moral at dignidad ng pagkatao na dapat mawakasan bago makasira ng isang indibidwal.
Sa ensiklikal ni Saint John Paul II na Sollicitudo Rei Socialis (SOLLICITUDO REI SOCIALIS) o On Social Concerns, iginiit dito na ipinagkatiwala ng Panginoon sa bawat indibidwal ang pagsusulong sa dignidad ng tao kabilang na dito ang paggalang sa bawat salitang binibitawan.