161 total views
Ang pagmamay-ari sa isang bagay ay isang responsibilidad.
Ito ang pagbibigay liwanag ng Santo Papa Francisco sa pagpapatuloy ng kaniyang katesismo sa Vatican sa 10-utos ng Diyos na nakatuon sa ika-7 utos na Huwag kang Magnanakaw.
Ayon kay Radio Veritas Vatican correspondent Fr. Gregory Gaston, binigyang kahulugan ng Santo Papa ang ‘Ownership’ o pagmamay-ari sa pagpapaliwanag hinggil sa ika-7 utos.
“Hindi lang yung usual na nanakaw sa kapwa kundi binigyan niya ng meaning ang pag-aari ng gamit. Pinaalala niya sa atin na anumang gamit na ating hawak ito ay pangkalahatan,” ayon kay Fr. Gaston.
Sinabi ni Pope Francis na ang bawat bagay sa mundo ay pag-aari ng Diyos at ang bawat nilikha na bagama’t nasa iyong pangangalaga ay dapat na maibahagi sa kapwa.
“Ang totoong possession- na pag-aari sa isang bagay, ayon kay Pope Francis ay kung kaya mo itong ibigay. Kung hindi ko siya kayang i-share ay ibig sabihin ako ang napo-possess ng isang bagay. O yung bagay na ang nagmamay-ari sa akin,” paliwanag ni Fr. Gaston.
Paliwanag ng Santo Papa, walang kultura na hindi nagkokondena sa pagnanakaw at maling paggamit sa kayamanang pag-aari.
Giit pa ni Pope Francis na sinasaad sa Katesismo ng Simbahan na ang kayamanan ng mundo ay nilikha para sa kapakanan ng lahat bagama’t binibigyang pagkilala ang karapatan sa pagmamay-ari.
Ayon kay Pope Francis, nilikha ang mga kayamanang ito hindi lamang para sa iilan kundi maging paraan ng bawat isa sa pagbabahagi sa kapwa at kabutihan ng mas nakakarami.
“Ownership, is a responsibility; We can only truly possess that which we know how to give. If there are things which we cannot give away, it is because those things possess me, have power over me, and I am a slave to it,” ang bahagi ng katesismo ni Pope Francis.
Una na ring binigyang diin ng Santo Papa na hindi ang kakulangan sa pagkain o mapagkukunan ng pagkain ang suliranin ng mundo kung bakit laganap ang kagutuman kundi ang hindi pantay na pagbabagi ng likas na kayamanan ng mundo dulot na rin ng pagkaganid ng ilan.
Sa tala ng United Nations Food and Agriculture Organization, tinatayang may 815 milyong katao sa buong mundo ang nakakaranas ng kagutuman o higit sa 10 porsiyento ng kabuuang populasyon.