151 total views
Suriing mabuti ang bawat polisiyang ipatutupad.
Ito ang panawagan ni San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari sa mga opisyal ng Commission on Higher Education kaugnay sa binabalak na pagpapatupad ng mandatory random drug testing sa mga estudyante sa kolehiyo.
“Sa mga Public Officials po especially those who are in CHED kung puwede po sana pag-aralang mabuti itong Policy na gusto nating ipatupad,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Paliwanag ng Obispo, na siya ring namumuno sa Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education ng CBCP, mahalagang konsultahin dito ang mga magulang ng mga kabataan dahil gampanin nito ang paggabay sa kanilang mga anak partikular sa usapin ng iligal na droga.
“This is just not a responsibility of the schools [but] this is first and foremost responsibility of the parents,” dagdag ng Obispo.
Nagpahayag ng agam-agam si Bishop Mallari sa ninanais ng CHED sapagkat walang konkretong programa ang pamahalaan kaugnay sa magiging resulta ng drug testing sa mga kabataan.
Ayon sa Obispo, maaring malagay sa panganib ng buhay ng estudyante na magpopositibo dito lalo’t umabot na sa higit 20-libo ang napaslang dulot ng kampanya kontra droga ng kasalukuyang administrasyon.
Memorandum Order no. 18
Batay sa kautusan ng CHED sasailalim sa mandatory drug test ang mga estudyante sa mga unibersidad, kolehiyo at iba pang matataas na institusyong pang-edukasyon sa susunod na taon.
Paliwanag ni CHED Chairperson Prospero De Vera ang hakbang ng ahensya ay upang mapangalagaan ang kalusugan ng kabataan at maagapan na malulong sa masamang bisyo tulad ng paggamit ng ipinagbabawal na gamot.
Sa kautusan na gagawin ang konsultasyon sa pagitan ng mga magulang at mga estudyante bago tuluyang ipatupad.
Nangangamba ang ilang grupo ng mga estudyante sa hakbang ng CHED lalo na sa magiging resulta ng drug test subalit tiniyak ng ahensya na hindi isasapubliko ang resulta at hindi rin ito gagamitin laban sa estudyanteng magpopositibo sa halip ay upang matukoy lamang ang mga estudyanteng nangangailangan ng tulong medikal dahil sa epekto ng iligal na droga.
Program ng Diyosesis
Ibinahagi ni Bishop Mallari ang pagtatayo ng drug rehab center ng kanilang diyosesis bilang pakikiisa sa programa ng pamahalaan sa pagsugpo ng iligal na droga sa lipunan.
Nais ng mga namahala sa drug rehab center na tunguhin ang bawat komunidad partikular ang mga paaralan upang palaganapin ang pagbibigay kaalaman sa masamang epekto ng ipinagbabawal na gamot sa buhay ng bawat indibidwal.
“Yung plano ngayon is to really go to the schools umpisa kami doon sa mga Catholic schools namin and then we will see kung papaano yung orientation na puwedeng gawin natin to help the parents,” ani ni Bishop Mallari.
Una nang nagpahayag ng pakikiisa ang Simbahang Katolika sa kampanya ng Administrasyong Duterte na sugpuin ang paglaganap ng iligal na droga sa bansa ngunit mariing tinutulan ang pamamaraan tulad ng pagpaslang dahil labag ito sa kautusan ng Panginoon at sa katuruan ng Simbahan hinggil sa paggalang sa karapatan at dignidad ng tao.