256 total views
Nawa’y maging huwaran ang buhay ni Bishop Alfredo Obviar sa bawat mananampalatayang Katoliko.
Ito ang pahayag ni Mother Adelwisa Eguia, MCST ang Superior General ng Missionary Catechists of St. Therese of the Infant Jesus kaugnay sa pagkilala ng Kaniyang Kabanalan Francisco bilang ‘venerable’ sa namayapang Obispo.
“Siya talaga ay ating maging huwaran pagkat ito po ang kailangang-kailangan natin sa panahon ngayon na tayo ay maging mga taong nananalangin nagdarasal, handang tanggapin at magtiis sa mga paghihirap,” bahagi ng pahayag ni Mother Eguia sa Radio Veritas.
Ayon sa madre, ito ang naging buhay noon ni Bishop Obviar na itinalaga ang buhay sa paglilingkod sa Panginoon at sa kapwa.
Nagpasalamat din si Mother Eguia sa mga mananampalataya na nananalangin dahil nagsimula na ang proseso upang maibilang sa mga Banal ng Simbahang Katolika ang Obispo.
“Magkakaroon ng massive promotion not only here in our local diocese kundi sa buong Pilipinas at lalo po naming pag-ibayuhin ang pagpo-promote ng kaniyang beatification.” dagdag ng madre.
Ika-8 ng Nobyembre ng nilagdaan ni Pope Francis ang kautusan kung saan idineklara bilang ‘venerable’ si Bishop Obviar dahil sa natatanging paglilingkod sa sambayanan ng Diyos at pagsunod sa mga turo ng Simbahan.
Dahil dito dalawang hakbang na lamang ay ganap nang maging Santo ang Obispo na batay sa proseso pagkatapos ideklarang Venerable susunod na dito ang pagiging Blessed kung may mapatutunayang milagro sa tulong ni Bishop Obviar at pinakahuli ang Canonization kung mapagtibay ng isa pang milagro sa tulong ng namayapang Obispo bago ito opisyal na ideklarang Santo.
Ayon pa sa madre na isang magandang pagkakataon ang pagkakadeklarang ‘venerable’ ni Bishop Obviar lalo’t ipinagdiriwang ngayon ng Simbahang Katolika sa Pilipinas ang taon ng mga pari, madre, relihiyoso at mga taong nagtatalaga ng buhay sa Panginoon.
Ika-12 ng Agosto 1958 ng itinatag ni Bishop Obviar ang Missionary Catechists of St. Therese of the Infant Jesus, kongregasyon ng mga madre na layong mas palawakin at palaganapin ang pagtuturo ng mga aral at turo ng Simbahang Katolika sa pamamagitan ng katesismo.
Pagbabahagi ni Mother Eguia, kasalukuyang may 273 madre ang MCST na naglilingkod sa buong mundo at patuloy na isinasabuhay ang gawain noon ng kanilang tagapagtatag.
Dagdag pa ng madre; “Lalo na po ang Christian formation na talagang mahubog ang mga tao ng pagmamahal sa Diyos at ito po ay maisabuhay nila sa araw-araw sa kanilang pamilya, sa kanilang pamayanan at sa lahat ng lugar na kanilang ginagalawan at ito nga po ang vision namin thru catechesis and evangelization.”