173 total views
Ikinatuwa ng Obispo ang desisyon ng korte laban kay dating unang Ginang Imelda Marcos.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, nagkaroon na ng resulta ang paghahanap ng katarungan ng mamamayan sa pamilya Marcos noong panahong umiiral ang Martial Law sa ilalim ni dating pangulong Ferdinand Marcos.
“Magandang balita yan na na-convict siya [Ginang Marcos] pero medyo nakakalungkot dahil ang tagal gumulong ng katarungan, pero atleast mayroong resulta,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Umaasa ang Obispo, na tuluyang panagutan ni Ginang Marcos ang mga kasong isinampa laban sa kaniya dahil sa haba ng panahon ng paghahanap ng katarungan ng mga Filipino lalo na ang mga biktima ng pang-aabuso noong panahon ng Martial Law.
Sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan nitong ika – 9 ng Nobyembre, hinatulang ‘guilty’ si Ilocos Norte 2nd District Representative Imelda Marcos ng 7 kaso ng pandarambong habang nanilbihan ito sa pamahalaan noong 1968 hanggang 1986.
Ibinahagi ni Lead Prosecutor Rey Quilala na aabot sa 200-milyong dolyar ang pera ng taumbayan ang ginamit ni Marcos sa mga pribadong organisasyon sa Switzerland.
Sa hatol ng korte makukulong ng anim na taon, isang buwan at labing-isang araw ang mambabatas sa bawat kasong isinampa laban sa kaniya at wala na rin itong karapatan na humawak ng kahit anong posisyon sa pamahalaan.
Binigyang diin ni Bishop Pabillo, ang Chairman ng Episcopal Commission on the Laity ng CBCP na magsilbing aral ito sa lahat ng mga umaabusong opisyal sa kapangyarihan.
“Sana magsilbing leksyon din sa mga politiko natin na may katarungang dadating pero sana darating din ang pagpapanagot sa kanila,” ayon sa Obispo.
Hinimok din ng Obispo ang mga kawani sa pangkatarungang sangay ng pamahalaan ang mabilisang paglutas sa mga kasong nakabinbin sa mga korte upang makamit ng mga biktima ang katarungan.
Batay nga sa ensiklikal ni Pope John XXIII na Pacem In Terris o On Establishing Universal Peace In Truth,
Justice, Charity, and Liberty , binigyang diin dito na nararapat umiral sa lipunan ang katarungan at ang paggalang sa karapatan ng bawat mamamayang nasasakupan tungo sa isang malaya at nagtutulungang lipunan na may pagkakapantay-pantay.