232 total views
Ipinagdiwang ng Tulay ng Kabataan Foundation o ANAK-Tnk ang kanilang ika-20 taong anibersaryo noong ika-3 ng Nobyembre.
Nagtipon sa Ateneo de Manila University, Katipunan, Quezon City ang halos 2,000 mga bata, na kinukupkop ng TNK kasama ang iba’t-ibang children’s foundation para sa pagdiriwang.
Dito, nagdaos ng mga palaro o mini sports fest at dance contest ang Tulay ng kabataan upang maipakita ang galing ng bawat bata sa iba’t-ibang larangan.
Bukod sa pagbibigay saya, layunin din ng mga aktibidad na mapaglapit ang bawat isa at matuto ng pakikipagkapwa at sportsmanship sa iba pang kabataan.
Matapos ang mgapaligsahan, pinangunahan naman ng Kanyang Kabunyian Manila Abp. Luis Antonio Cardinal Tagle ang banal na misa para sa pagdiriwang ng kanilang anibersaryo.
Sa pagninilay ng Kardinal, hinimok nito ang mga kabataang nasa ilalim ng pangangalaga ng Tulay ng Kabataan Foundation na ipalaganap ang pag-ibig sa kapwa.
Ayon sa Cardinal pag-ibig ang dahilan kung kaya nagkaroon ng panibagong buhay ang mga bata at matatandang inabandona sa lansangan, at dahil dito pagkakataon na ngayon ng mga bata, at kabataan na sila naman ang magbigay ng buhay sa kanilang kapwa sa pamamagitan ng pagmamahal.
“#SavedbyLove… Iniligtas ng pag-ibig, inililigtas tayo sa kamatayan, inililigtas tayo sa kapahamakan, inililigtas tayo sa panganib, ng pag-ibig. Kung saan may pag-ibig may kaligtasan, may buhay… D’yan tayo tunay na nabubuhay at sa pag-ibig din tayo magbibigay buhay. Tayo ay nabubuhay dahil inibig tayo ng Diyos. Patuloy tayong mabubuhay ‘pag tayo ay mag-iibigan at patuloy na mamamayani ang buhay at malalabanan ang pwersa ng kamatayan kung may pag-ibig.” Bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Taong 1998 nang magsimula ang ANAK-Tulay ng Kabataan Foundation sa pangunguna ng isang paring Heswita.
Bukod sa mga batang lansangan mayroon ding mga batang naulila dahil sa extrajudicial killings ang sa kasalukuyang nasa ilalim ng pangangalaga ng foundation.