199 total views
Nasasaad sa panlipunang katuruan ng Simbahan Katolika na ang isang mabuting lider ay naglilingkod at nagpapakumbaba sa kanyang mga nasasakupan ng walang halong paghahangad ng para sa kanyang sarili.
Nagpahayag naman ng pangamba si Fr. Atillano “Nonong” Fajardo, Chairman ng Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry kaugnay sa kapansin-pansin aniyang militarisasyon sa pamahalaan.
Ayon sa Pari, bagamat sinasabi ng mga itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte na mga dating militar at kasapi sa Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sila ay naglilingkod bilang mga sibilyan ay hindi naman maiaalis sa mga ito ang kanilang pananaw, pagdedesisyon at pagtingin sa mga usapin mula sa kanilang karanasan bilang mga kawal ng bansa.
Giit ni Fr. Fajardo, ang pagtatalaga ng Pangulo ng mga dating militar ay maituturing na dahil lamang sa kagustuhan nitong agad na sundin ng mga opisyal ng pamahalaan ang lahat ng kanyang tuwiran tulad ng mga sundalo na tiyak ang pagsunod sa kanilang mga mas matataas na opisyal.
“Yan yung tinatawag nating ‘militarization’ kapag sinabi nating militarization ano yan command lang yan ng command yung nasa ibabaw at yan ang gusto ni Duterte at galing mismo sa bibig niya ‘hindi na dapat nagtatanong kailangan kapag sinabi ko gagawin kaagad’ eh hindi na nga yan democracy so nakakatakot yung militarization ngayon ng ating ano kasi nga supposedly sinasabi nila ordinary citizen na sila pero hindi yung military mindset nila nandoon pa din…” ang bahagi ng pahayag ni Fr. Fajardo sa panayam sa Radyo Veritas.
Nauna ng kinondina ng Pari ang patuloy na pagtatalaga ng Pangulo ng mga dating militar sa mga pangunahing posisyon sa pamahalaan sa kabila ng kakulangan ng mga ito sa sapat na kakayahan upang pangasiwaan ang mga ahensya ng pamahalaan.
Kabilang sa mga dating militar na nailuklok sa posisyon sina Nicanor Faeldon sa Bureau of Corrections; Isidro Lapeña sa TESDA; Rey Guererro sa Bureau of Customs at Rolando Bautista na nakatakdang italaga bilang kalihim ng Social Welfare and Development.
Bukod dito, paliwanag pa ni Fr. Fajardo dahil sa ginagawang paglilipat lamang sa mga opisyal na may kaugnayan sa mga anomalya at katiwalian sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan ay nawawala ang accountability o pananagutan ng mga ito sa taumbayan sa halip ay nagkakaroon lamang ng utang na loob sa Pangulo dahil sa mistulang pagpapatawad o pagpapawalang sala nito sa kanilang mga kaso.
Partikular na tinukoy ng Pari ang ginawang paglilipat lamang sa ibang ahensya ng administrasyong Duterte kay Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kasunod ng patuloy na usapin ng kontrobersyal na 11-bilyong pisong halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs.