190 total views
Inihayag ng isang lider ng Simbahang Katolika na mapanganib para sa kinabukasan ng tao ang kawalan ng trabaho.
Ayon kay Balanga Bataan Bishop Ruperto Santos, ang namumuno sa Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishop Conference of the Philippines, mahalagang mapagkalooban ng trabaho ang mamamayan sa pangunguna ng pamahalaan upang makatutulong sa pagtataguyod ng kanilang mga pamilya.
“One of primary duties of government is to provide jobs, jobs which are stable, secured and safe. Without jobs, lives are endangered and future in uncertain,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa tumataas na bilang ng mga walang trabaho sa bansa na batay sa survey ng Social Weather Station ay 22-porsiyento o kabuuan ng 9.8-milyong Filipino ang walang hanapbuhay.
Iginiit ni Bishop Santos na ang kawalang oportunidad sa Pilipinas ang dahilan sa pakikipagsapalaran ng mga Filipino sa ibang mga bansa.
“Without jobs here our people are forced to migrate,” dagdag ng Obispo.
Ipinaliwanag ng Obispo na kaakibat ng pangingibang bayan ng mga Filipino ay ang paghihirap at pagsasakripisyo ng mismong OFW at ang pamilyang naiiwan sa Pilipinas.
Dahil dito nanawagan si Bishop Santos sa mga kinauukulang opisyal na paigtingin ang pagtugon sa laganap na kawalang trabaho ng mamamayan kasabay ng pagpapalago ng ekonomiya ng bansa.
“It is imperative that government should plan and prioritize their efforts to build up economy and create jobs,” pahayag ng Obispo.
Magugunitang sa pagdalaw ni Pope Francis sa Pilipinas noong 2015 kinilala ng Pinunong Pastol ng Simbahang Katolika ang dedikasyon ng mga OFW na masigasig sa paghahanapbuhay na malayo sa kanilang mga pamilya.