204 total views
Pinuri ng Philippine National Police ang pagsasama-sama at pagkakaisa ng iba’t-ibang simbahan upang labanan ang Online Sexual Exploitation of Children (OSEC).
Ayon kay Police Senior Superintendent (PSSupt.) Villamor Tuliao, Acting Chief of Anti-Trafficking in Persons Division, isang malaking hakbang sa pagsugpo sa OSEC ang pagsasama-sama ng iba’t-ibang sektor ng lipunan, partikular na ang pamahalaan at ang simbahan.
Aniya, kahanga-hanga din ang ginawa ng mga simbahan na isinantabi ang kanilang mga pagkakaiba upang magkaisa sa pangangalaga sa mga bata at kabataang inaabuso.
“Isang napaka gandang adhikain specially yung pagbuklod-buklod ng iba’t-ibang sekta ng simbahan laban sa Online Sexual Exploitation of Children at yung mga institusyon na katulad nito, mga simbahan ay napaka laking impluwensya sa mamamayan sapagkat malaking factor yung mga leader ng simbahan para ipagbigay alam sa mga worshipers yung epekto ng Online Sexual Exploitation of Children,” pahayag ni Tuliao sa Radyo Veritas.
Naniniwala ang PNP na hindi kayang sugpuin ng pamahalaan ang iba’t-ibang krimen sa lipunan tulad ng OSEC, subalit sa tulong ng mamamayan at ng simbahan ay tiyak na mapagtatagumpayan ito.
Sa pagsisiyasat ng Philippine Interfaith Movement Against Human Trafficking (PIMAHT) 50-porsiyento ng mga nagiging biktima ng OSEC ay may edad 12 pababa.
Nito lamang ika-8 ng Nobyembre, nagdaos ng Freedom Forum ang grupong PIMAHT upang palawakin ang kaalaman ng mamamayan at simbahan kaugnay sa human trafficking at partikular na tinalakay sa pagtitipon ang OSEC.
Naging tema ng pangatlong taon ng Freedom Forum ang “Magkaisa: Sugpuin ang OSEC”, kung saan dinaluhan ito ng mahigit sa 250 indibidwal mula sa iba’t-ibang grupo.
Sa Encyclical Letter na Centisimus Annus (1991) ni Pope John Paul II, kinondena nito ang makabagong anyo ng pang-aalipin na human trafficking, kasama na ang pang-aabuso sa mga manggagawa, illegal drug trafficking at prostitusyon kung saan nahahalintulad ang Online Sexual Exploitation of Children.