144 total views
Pinuri ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Gabrielle Giordano Caccia ang matagumpay na 8th Pipe Organ Concert ng Manila Cathedral na isinagawa noong ika-9 ng Nobyembre.
Ayon kay Archbishop Caccia, ipinakita ng palabas ang kagandahan ng pagsasama ng sining at panalangin sa pamamagitan ng pagninilay ng mga tao sa buhay ni Maria.
Dalangin ng Apostolic Nuncio na patuloy na basbasan at biyayan ng Mahal na Ina ang bansa at ang mga Filipino upang masumpungan ng bawat isa ang kapayapaan at kagalakang dulot ng ating pananampalataya.
“What a beautiful experience of meditation of enjoying the beauty the art and also in the experience of prayer. Let our lady continue to bless this country and to bless this people so that everyone could experience the peace and joy that comes from faith.” pahayag ni Abp. Caccia sa Radyo Veritas.
Samantala, nagbigay din ng mensahe si Archbishop Caccia para sa pagdiriwang ng ika-60 taong anibersaryo ng Manila Cathedral.
Sinabi ng Papal Nuncio na ang Katedral ay ang tahanan ng Diyos at ng bawat mananampalataya ngunit ang pinaka-magandang katedral na maaaring pasukin ng Panginoon ay ang puso at mismong katauhan ng bawat indibidwal.
“The Cathedral is the house of God, the Cathedral is the house of people but the most beautiful Cathedral is the house we prepare in each one of us for Jesus so that we are the living stone of the church, and we are all called to be His home where he can find rest and where other people can come and find peace.” Dagdag pa ni Abp. Caccia.
Ang 8th Pipe Organ Concert na pinamagatang “Maria, the most beautiful sound” ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-60 taong muling pagkakatatag ng katedral ng Maynila noong 1955 makalipas ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Layunin ng isinagawang konsiyerto na bigyang pugay at alayan ng pasasalamat ang Mahal na Inang Maria sa patuloy na paggabay nito sa Arkidiyosesis ng Maynila.
Sa pamamagitan din ng isinagawang pagsasadula sa buhay ng Mahal na Birhen, nais ng Manila Cathedral na mapalalim pa ang pagkilala ng mga Filipino sa Mahal na Ina ng Panginoong Hesus.