203 total views
Maglalaan ng panahon ang Arkidiyosesis ng Maynila para sa mga mahihirap na mananampalatayang nasasakupan.
Alinsunod ito sa panawagan ng Kaniyang Kabanalan Francisco na ipagdiwang ang World Day of the Poor bago ang kapiyestahan ng Krsitong Hari.
Ayon kay Rev. Fr. Enrico Martin Adoviso, ang namumuno sa Commission on Social Services and Development ng Arkidiyosesis, nakikiisa ang Simbahan sa panawagan ng Santo Papa na kalingain ang mga dukha sa lipunan.
Dahil dito, inaanyayahan ng pari ang mga mananampalataya at mga kapwa pastol ng simbahan na makiisa sa gaganaping pagtitipon sa ika – 17 ng Nobyembre sa UST Seminary Auditorium kung saan magkaroon ng pagtatanghal na nakasentro sa mga gawain ng Simbahan para sa mga dukha.
“Inaanyayahan po namin ang lahat ng mga parishioners lalo na po ang mga kura paroko at doon po sa circular ng ating mahal na Cardinal ay sinasabi po na magdala tayo ng 3 mahihirap at pakinggan natin ang kanilang panaghoy,” pahayag ni Fr. Adoviso sa Radio Veritas.
Binigyang diin ng Pari ang kahalagahan ng pakikipagkaisa sa mga mahihirap tulad ng ginawa ni Hesus na tumutulong at minamahal ang mga dukha.
Tema ng ikalawang pagdiriwang ng World Day of the Poor ang “Listen to the Cry of the Poor” na base sa Philippine Statistics Auhtority ay katumbas ng 60 milyong indibidwal.
Umaasa si Father Adoviso na paglingkuran ng Simbahan at lahat ng sector ang mga dukha matapos mapakinggan ang kanilang mga hinaing.
“Yun pong ating theme panaghoy ng mga dukha at pagkatapos po na mapakinggan natin ang kanilang hinaing sana mapaglingkuran natin sila.” pahayag ni Father Adoviso.
Noong 2017 nang itinalaga ni Pope Francis ang ika-33 Linggo ng Karaniwang Panahon sa Kalendaryo ng Simbahan ang pagdiriwang ng World Day of the Poor bilang pagkilala at pagkalinga sa mga dukha.