219 total views
Inanyayahan ng Aid to the Church in Need (ACN) ang mga mananampalataya na muling makiisa sa Red Wednesday Campaign ngayong ika-28 ng Nobyembre.
Ayon kay Jonathan Luciano, Philippine National Coordinator ng grupo, ang Red Wednesday ay isang prayer campaign na layuning palawakin ang kamalayan ng mga Filipino sa pag-uusig na dinaranas ng mga kristiyano sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Sinabi ni Luciano na hindi lamang mga katoliko ang nakararanas nito kungdi maging ang mga Kristiyano sa ibang denominasyon.
Umaasa ang ACN na sa pamamagitan ng taunang pagsasagawa ng Red Wednesday Campaign ay mamumulat ang mga kristiyano sa kahalagahan ng sama-samang pag-aalay ng panalangin bilang pagpupugay sa mga naging martir at pagsuporta naman sa mga kristiyanong kasalukuyang inuusig.
“Maganda na every year ay magkaroon tayo ng isang araw upang ipanalangin natin ng sabay-sabay bilang isang bansa ang mga kapatid nating kristiyano na pinag-uusig. Hindi lamang po ang mga kapatid nating mga Katoliko kun’di ang mga kristiyanong nabibilang din sa ibang denominasyon kung saan nahihirapan din silang isabuhay ang kanilang pananalig kay Kristo.” Pahayag ni Luciano sa Radyo Veritas.
Ngayong taon sinabi ni Luciano na inaasahang nasa 1,300 ang bilang ng mga simbahan at paaralan sa ilalim ng 38 Diyosesis/Arkidiyosesis sa buong Pilipinas ang makikilahok sa gaganaping Red Wednesday Campaign.
Alas sais y medya ng gabi, ika-28 ng Nobyembre, sabay-sabay na magdadaos ng banal na misa ang mga simbahan at iba pang institusyon, bilang pag-pupugay at alay sa mga inuusig na kristiyano.
Kasunod nito ay ang pagdarasal ng inihandang panalangin para sa mga persecuted Christians sa buong mundo at ang pagsisindi ng pulang ilaw sa mga simbahan at paaralan.
Inanyayahan din ni Luciano ang mamamayan na magsuot ng pulang damit bilang pagpapakita ng suporta sa kampanya.
Makikita sa website ng ACN Philippines na acn-philippines.org ang listahan ng mga Diyosesis at paaralang lalahok sa Red Wednesday Campaign ngayong 2018.