218 total views
Hinimok ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang mananampalataya na pakinggan ang hinaing ng mga dukha sa lipunan.
Sa kaniyang pagninilay sa misang isinagawa sa pagdiriwang ng ‘Pandaigdigang Araw ng mga Dukha’ binigyang diin ni Cardinal Tagle na ang bawat isa ay pantay-pantay kaya’t marapat lamang na nakahandang makinig sa kapwa.
“Lahat tayo ay dukha, lahat tayo ay walang maipagmamalaki kaya’t iwasan ang pagpapanggap,” bahagi ng pagninilay ni Kardinal Tagle.
Paliwanag ng Arsobispo, sa pagdiriwang ng banal na Eukaristiya bawat isa ay umaamin sa mga pagkakasalang nagawa patunay na taglay natin ang karukhaan lalo na sa ispiritwal na aspeto ng tao.
Giit ni Kardinal Tagle na bukod tanging mga dukha rin ang makaririnig, makauunawa at nakahandang tumugon sa pangangailangan ng mga mahihirap sa lipunan.
Hamon pa ng Kardinal sa mga dumalo sa misa na ipagpatuloy ang pakikinig at pagnilayan ang bawat karanasang nakakasalamuha sa kapwa at gumawa ng mga hakbang sa pagtugon sa kanilang pangangailangan.
“Ipagpatuloy ang pakikinig at pagninilay sa karanasan ng mga dukha at ang ating munting pagtugon,” ayon kay Cardinal Tagle.
Tema sa pagdiriwang ng ikalawang ‘Pandaigdigang Araw ng nga Dukha’ ang dinggin ang kanilang mga panaghoy at magtulungan ang sambayanan sa pagkalinga at pagtugon sa maliliit na sektor sa pamayanan.
Sa pag-aaral ng Philippine Statistics Authority, 6 sa bawat 10 pamilya sa bansa ay namumuhay sa karukhaan.
Kaya’t hamon sa bawat mananampalataya ang tugunan ang kinakaharap na mga pagsubok lalo na sa mga dukha upang higit na maipagdiwang ng buong sigla ang araw na inilaan para sa mga dukha na itinalaga ni Pope Francis na ipagdiwang tuwing ika-33 Linggo ng Karaniwang panahon sa Kalendaryo ng Simbahan.