390 total views
Ito ang paanyaya ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David sa mga lingkod ng simbahan kasabay na rin ng pagdiriwang ng ‘Year of the Youth’.
Ayon kay Bishop David, Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), magandang pagkakataon ang pagdiriwang para pagnilayan ng bawat isa ang mga programa para sa paghuhubog sa kabataan na siyang kinabukasan hindi lamang ng simbahan kundi ng lipunan.
“Iyan ang pinaka-challenging stage na ire-respect mo ang kakayahan niyang magdecide para sa sarili niya, pero i-influence mo sya na mabuti ito para sa kaniya. And ito yung medyo dapat pumapel ng malaki dito ay yung kapwa kabataan. Kasi naghahanap ng bonding ang mga kabataan,” ayon kay Bishop David.
Dagdag pa ng Obispo; ”Kung ang tingin nila ang sesermonan lang kami, ay naku tatabi ‘yan. Pero kung makita din ng kabataan ‘uy meron akong kapwa kabataan dito enjoy naman pala’ na hindi naman pala bawal sumayaw, kumanta. Madiscover ko rin pala si Jesus doon sa bonding sa pakikipag-kaibigan. Tumutubo sa kanila isang bagong kamalayan about the faith hindi na ‘faith impose to them’.”
Inihayag ni Bishop David sa programang Pastoral Visit ng Radyo Veritas na mahalagang bigyang tinig ang mga kabataan sa mga parokya lalut maraming mga gawain ang naaakma sa kanilang kakayahan at hilig tulad ng music ministry, social communication ministry at counseling ministries.
Ang taong 2019 ay idineklara ng CBCP bilang ‘Year of the Youth’ na magsisimula sa ika-2 ng Disyembre hanggang sa ika-24 ng Nobyembre ng susunod na taon.
Tema ng pagdiriwang para sa kabataan ang Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered.
“Ito ‘yung panahon na mag-examination of conscience tayo. Talagang bang pinag-iigihan natin ang formation ng mga kabataan sa pananampalatayang Kristiyano? Sa isang paraan na naangkop na sa kaisipan nila sa edad nila. Hindi na pwede para bang sila na lang makinig sa atin, dapat makinig din tayo sa kanila,” dagdag pa ni Bishop David sa programang Pastoral Visit sa Radio Veritas.
Sa tala, mula sa higit 80 milyong katoliko sa buong Pilipinas may 20 porsiyento rito ang bilang ng mga kabataan na nasa edad 15 hanggang 24.