179 total views
Ikinatuwa ng mga mamamayan ng Zambales ang ibinabang kasunduan sa pagdinig na isinagawa sa Sangguniang Panlalawigan noong ika-19 ng Nobyembre, kaugnay sa pagkasirang dinulot ng pagmimina sa lalawigan.
Ayon kay Benito Molino, pinuno ng Concerned Citizens of Sta. Cruz Zambales o CCOS, napagkasunduan na dapat bayaran ng mga mining companies ang lahat ng naperwisyong mamamayan sa mga bayan ng Sta. Cruz at Candelaria, sa Zambales.
Ang mga naperwisiyo ay dapat gumawa ng salaysay hinggil sa mga napinsala sa kanila, kailan ito naganap, paano napinsala, sino o ano ang nakapinsala at kung magkano ang pagkasira.
Ang dokumento ay isusumite sa CCOS at ang grupo naman ang naatasang mag-akyat ng mga dokumento sa komite bago ang ika-10 ng Disyembre 2018.
Kabilang sa mga hinihikayat na magbigay ng salaysay ay ang mga magsasaka, mangingisda, may-ari ng mga palaisdaan at mga komunidad na mayroong sira-sirang kalsada dahil sa mga truck na ginagamit sa pagmimina.
Bukod dito, kasama din sa kasunduan ang pagsasaayos at rehabilitasyon na kinakailangang gawin ng mga mining companies sa mga bundok kabilang na ang Cabaluan Watershed, streams o daluyan ng tubig hanggang sa karagatan, mga nasirang corals o bahura, mga natabunang bukirin at mga palaisdaan.
Umaasa naman ang grupo na mabilis na mailalabas ng Sangguniang Lalawigan ng Zambales ang ordinansa o resolusyon na tuluyan nang magbabawal sa pagmimina sa buong lalawigan.
“Susuportahan daw nila yung dapat wala nang pagmimina, so ito ay either resoluion o ordinansa. Pero, mas gusto po natin dito ay maging ordinansa upang sa ganun ay masuportahan yung ipinasang ordinansa ng isang bayan ng Candelaria na bawal na ang pagmimina sa kanilang bayan, at sana nga po ay ito’y matatag at maging pamasko ng ating panlalawigan sa mga kababayan at sa buong Zambales.” pahayag ni Molino
Ang pagdinig na isinagawa sa Sangguniang Panlalawigan ng Zambales noong ika-19 ng Nobyembre ay dinaluhan ng mahigit sa 100 mamamayan, at kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources – Mines and Geosciences Bureau Region III, Environmental Management Bureau Region III, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, mga kumpanya ng minahan na Benguet Nickel Mines, Inc. (BNMI), Eramen Minerals, Inc. (EMI), LNL Archipelagic Minerals, Inc., at ZDMC/DCMI.
Sa Ensiklikal na Laudato Si, kinondena ni Pope Francis ang hindi makatarungang gawain ng mga kumpanya ng minahan, dahil aniya, nakadaragdag lamang ito sa lalo pang paghihirap ng mamamayan sa komunidad na apektado ng pagmimina.