200 total views
Ipinagdarasal ng Obispo ng Surigao ang kaligtasan ng mamamayan sa mga lugar na tatamaan ng bagyong Samuel.
Ayon kay Surigao Bishop Antonieto Cabajog, bagamat hindi pa ramdam sa lalawigan ang epekto ng bagyo hinimok nito ang bawat mamamayan na maging alerto.
“We always pray for the Lord’s protection in this times especially natural calamities,” bahagi ng pahayag ni Bishop Cabajog sa Radio Veritas.
Tiniyak naman ng Obispo na nakahanda ang kanilang Diyosesis sa pangunguna ng Diocesan Social Action Center na tumugon sa mga apektadong mamamayan.
“In place lang tayo all the time because our Diocesan Social Action Centers at Parish Social Action Centers everything, all operation anytime and anything happens everything is already prepared,” dagdag ni Bishop Cabajog.
Batay sa forecast ng PAGASA, tinatahak ng bagyong Samuel ang Silangang bahagi ng Visayas at rehiyon ng CARAGA at inaasahang tatama sa kalupaan sa mga lugar ng Samar-Leyte-Dinagat island area Martes ng gabi.
Binigyang diin ni Bishop Cabajog na kaakibat ng mga paghahanda ay marapat ding buo ang pagtitiwala sa Panginoon sa lahat ng oras dahil ito ang bukod tanging tagapagligtas ng sanlibutan.
“We ask everbody to be alert and always trust the help and the blessing of the Father to keep us always in His care and protection.” pahayag ng Obispo
Magugunitang noong nanalasa ang bagyong Yolanda, limang taon ang nakalipas bagamat walang nasawi ay maraming kabahayan at ari-arian sa Surigao del Norte ang nasira partikular sa Dinagat Island.
Nakahanda naman ang Caritas Manila, ang social action arm ng Arkidyosesis ng Maynila sa pag-agapay sa mga mamamayang nasasalanta ng anumang uri ng kalamidad bilang pakikiisa at pagsasabuhay sa layunin ng Simbahang Katolika na handang dumamay sa nangangailangan.
Ang Diyosesis ng Surigao ay binubuo ng mahigit 90 porsiyento na mga Katoliko sa kabuuang populasyon na pingangasiwaan ng 70 mga pari.