213 total views
Naniniwala ang isang non-government organization na ang pagsali sa mga bazaar ay isang pamamaraan upang matulungan ang mga maliliit na negosyante na maipakilala sa mamimili ang kanilang mga produkto.
Ayon kay Ms. Claudia Oriolo, Country Director for Philippines ng People in Need, isang magandang prebilihiyo ang makipagtulungan sa Caritas Margins upang mas matulungan ang mga benepisaryong magsasaka mula sa Eastern Samar at iba pang mga maliliit na negosyo.
“This events, like bazaar with Caritas Margin will create platform for them to be exposed and to connect with buyers, with costumers so this is why we are very privilege we feel privilege to cooperate to Caritas Margins and offer this phase to our beneficiary,” pahayag ni Ms. Oriolo sa Radio Veritas.
Nagsimula ang People in Need sa Pilipinas noong Nobyembre 2013 matapos manalasa ang bagyong Yolanda sa malaking bahagi ng Eastern Visayas na ikinasawi ng higit sa anim na libong indibidwal habang bilyong pisong ari-arian at kabuhayan naman ang nasira.
Nagsagawa ng emergency response ang NGO na nakabase sa Czech Republic subalit sa paglipas ng panahon mas pinalalawak nito ang mga inilunsad na programang nakatutulong sa mga mamamayan sa Eastern Samar.
Ibinahagi ni Oriolo na sinusuportahan ng grupo ang halos 40 mga magsasaka at ang mga micro business ng lokal na agrikultura sa lugar upang mas mapaunlad ang kanilang talento at kasanayan sa paglikha ng mga produktong mapagkakakitaan.
“Our goal is really to give them the tools to become self sustaining, to improve their living conditions and also their economic development,” dagdag ni Oriolo.
Dahil dito hiniling ng grupo sa mamamayan na suportahan at tangkilikin ang mga produktong gawa ng mga maliliit na negosyante lalo na ng mga magsasaka upang matulungang mapaunlad ang antas ng kanilang pamumuhay.
Ang People in Need ay nakibahagi sa tatlong araw na expo ng Caritas Margins, ang social enterprise ng Caritas Manila na ginanap sa Glorietta Sunken Activity Center mula noong ika – 19 ng Nobyembre.
Sa katatapos na World Day of the Poor, nanawagan ang Kaniyang Kabanalan Francisco na dinggin ang panaghoy ng mga dukha at magtulungang tugunan at kalingain ang maliliit na sektor sa lipunan tulad ng mga gawain ng Caritas Manila at People in Need na naglunsad ng mga programang magbibigay kabuhayan sa mga dukha.