187 total views
Pormal nang binuksan ang apat na araw na Kerygma Conference (KCON) sa SMX Convention Center, Pasay City, noong ika-22 ng Nobyembre, sa pangunguna ng Light of Jesus Family.
45 mga pag-aaral at panayam ang inihanda ng Light of Jesus Family na tatalakay sa iba’t-ibang suliranin sa lipunan, gaya ng pagpapabuti ng relasyon sa pamilya at sa kapwa, pagiging isang epektibong pinuno, pangangalaga ng kalusugan, pagpapaunlad ng negosyo o karera sa buhay, at pagpapalakas ng mga church ministry.
Sa unang mga pag-aaral, isa sa nagbigay ng panayam si Father Leo Patalinghug na kilala bilang Chef Priest.
Inihalintulad ni Father Patalinghug ang salita ng Diyos sa pagkaing hindi dapat basta na lamang isubo sa isang tao.
Inihayag ng Pari na kinakailangang magkakaibang estilo ang pagkakaahin nito o di kaya ay sa pamamagitan din ng iba’t-ibang putahe, upang mas maging kaaya-aya ito para sa ibang tao.
Sinabi ng Pari na isa din sa mabisang paraan upang maipamalas at mahikayat ang ibang tao na kilalanin si Hesus ay sa pamamagitan ng pag-uugali nating mga mananampalataya.
“We cannot give the Eucharist to everyone, but we can give the presence of Jesus to everyone… Plate the grace [of God] to make it look beautiful… If you’re gonna feed someone the herbs of truth that tastes bitter, make it a little sweet.” pahayag ni Father Patalinghug.
Hinimok ni Father Patalinghug ang mga mananampalataya na tulungan din ang mga pari na maging mabuting tagapagpakain ng salita ng Diyos sa mga tao.
Sa unang araw pa lamang ng KCON ay libu-libo na ang mga mananampalatayang dumalo na mula pa sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Magpapatuloy naman ang conference na magpapalakas sa pananampalataya ng mga Katoliko sa susunod pang tatlong araw, at pormal na magtatapos ito hanggang sa ika-25 ng Nobyembre.