255 total views
Nanindigan ang isang opisyal ng Catholic Bishops Conference of the Philippine na hindi makatarungan at labag sa konstitusyon ang pagbubuo ng death squad.
Ayon kay Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, chairman ng CBCP Episcopal Commission on the Laity na hindi naaayon sa isang demokrasyang bansa ang death squad at hindi rin ito makatutulong sa paglutas ng mga suliraning kinakaharap ng bansa.
“Wala naman tayong death squad sa isang demokrasyang bansa, talagang hindi paraan yan ng demokrasya, dictatorial yan,” pahayag ni Bishop Pabillo sa Radio Veritas.
Ito ang tugon ng Obispo sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bumuo ng death squad upang labanan at tugisin ang mga New People’s Army kasabay ng desisyong ihinto ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at rebeldeng grupo.
Ipinaliwanag ng Obispo na alam ni Pangulong Duterte na hindi wasto ang death squad na tila umiiral sa gitna ng kampanya ng pamahalaan kontra ipinagbabawal na gamot.
Iginiit ni Bishop Pabillo na dapat palakasin ng pamahalaan ang sandatahang lakas na kinikilala ng Saligang Batas na nagpapatupad ng batas.
“Sa demokrasya ang isang pulis ang mag-iimbestiga at manghuhuli,” dagdag pa ni Bishop Pabillo.
Kaugnay dito, iginiit din ng Commission on Human Rights na paglabag sa international humanitarian law ang pagbubuo ng death squad.
Inihayag ni CHR Chairperson Chito Gascon na bukod tanging inaatasan ng 1987 constitution na magpatupad ng batas ay ang sandatahang lakas at ang mga pulis.
PATAYAN
Nababahala naman ang ilang mambabatas sa ninanais ng pangulo dahil magdudulot lamang ito ng araw-araw na patayan at hindi ito makalulutas sa suliranin sa bansa.
Ayon kay Senator Francis Pangilinan, hindi ito makatutulong na mapababa ang presyo ng mga bilihin, serbisyo, kakulangan ng trabaho sa mga Filipino kundi mas lalong iiral sa lipunan ang kawalang katarungan at iba’t ibang uri ng paglabag sa karapatan ng mamamayan.
Naniniwala naman si Senator Antonio Trillanes IV na ito ay paraan lamang ni Pangulong Duterte upang linlangin ang International Criminal Court, maghasik ng takot sa mamamayan at ilihis ang publiko sa malalaking usapin na kinakaharap ng ating bayan kung saan higit na apektado ang mamamayang Filipino.
KAPAYAPAAN
Binigyang diin ni Bishop Pabillo na lahat ay magkakaugnay at dapat iwasan ang pagkakaroon ng kulay sa pulitika dahil sumisira lamang ito sa pagkakaisa ng mamamayan.
Una nang inihayag ni Kalookan Bishop Emeritus Deogracias Iñiguez na sa pamamagitan ng kapayapaan ay matamo ang marangal at maunlad na bansa.
Sa mensahe ng Kaniyang Kabanalang Francisco hinimok nito ang mga bansa sa pangunguna ng mga pinuno nito na magkaisa, ipalaganap ang pag-ibig sa kapwa tulad ng ipinadama ni Hesus sa sangkatauhan upang iiral ang pag-uunawaan at kapayapaan sa pamayanan.