292 total views
Pinangunahan ni Rev. Fr. Teresito Soganub, Vicar General ng Prelatura ng Marawi ang pagdiriwang ng Red Wednesday campaign sa Manila Cathedral kahapon alas sais y medya ng gabi.
Sa banal na Misa, ibinahagi ng pari sa mananampalataya ang kaniyang karanasan sa pagiging bihag ng mga teroristang Maute-ISIS sa loob ng 117 araw.
Bunsod nito, iginiit ni Fr. Soganub na mas lalong tumibay ang kaniyang pananalig sa Panginoon sa kabila ng hirap na kanyang dinanas sa kamay ng mga terorista.
“Na touch yung buhay ko, yung sarili ko na mahirap ang persecution, at kahit mahirap yun din ang nag-purify ng mga sarili natin. At higit sa lahat sa persecution na dinaan ko dun ko nalaman na kung ikaw pala ay isang persecuted person because of your faith, ikaw ay mahal ng Panginoon dahil dumaan ka sa pinagdaan n’ya sa passion of the cross, sa kan’yang death on the cross.” pahayag ni Father Soganub sa Radyo Veritas.
Samantala, nanawagan din ang pari sa mananampalataya na patuloy na ipanalangin ang mga Kristiyanong inuusig sa iba’t ibang panig ng daigdig.
Inihayag ng Pari na marapat na ipalaganap sa lahat ng mga Kristiyano ang kamalayan patungkol sa mga persecuted Christian upang mas marami pa ang makapag-alay ng panalangin.
“Ipaalam natin sa kanila na sa ibang bahagi ng mundo, may mga Kristiyano na persecuted kaya sa pagkakaisa sa kanila, hindi tayo persecuted, ipagdasal natin sila at makikiisa tayo sa kanila. Kung anong tulong na kailangan nila tulungan din natin sila dahil sa persecution dun natin makikita ang malalim at matamis na kahulugan ng pagka Kristiyano.” Dagdag pa ng Pari.
Ngayong taon nasa 1,300 ang bilang ng mga simbahan at paaralan sa ilalim ng 38 Diyosesis/Arkidiyosesis sa buong Pilipinas ang nakilahok sa ginanap na Red Wednesday Campaign.
Ito din ang ikalawang pagkakataon na isinagawa sa Pilipinas ang naturang kampanya bilang pagbibigay pugay sa mga Kristiyanong nag-alay ng buhay para sa Panginoon.