551 total views
Accountability at Stewardship ang binabantayan at tinututukan ng Simbahan sa mga usaping nakakaapekto sa buhay ng mga mamamayan sa lipunan.
Ito ang nilinaw ni Rev. Fr. Atillano “Nonong” Fajardo, Chairman ng Archdiocese of Manila Public Affairs Ministry sa pakikibahagi ng Simbahan sa mga usaping panlipunan.
Ipinaliwanag ng Pari na hindi maituturing na kritiko ang Simbahan sa pakikisangkot sa mga usaping panlipunan dahil isinusulong lamang nito pagkakaroon ng pananagutan sa mga mamamayan ng mga opisyal ng gobyerno.
“As Chair ng Public Affairs Ministry ang gusto nating palaging value hanapan mo siya ng value kasi gusto natin palaging kapag nagsalita tayo sa Simbahan value-based siya and as much as tinitira natin yung issue pero meron tayong values at yung values na gusto natin yung Accountability, Stewardship yan yung gusto nating ipakita na kung meron kang posisyon ano ka accountable ka sa lahat ng ginagawa mo, basically yung tinatawag nating Stewardship saka Servant Leadership…” pahayag ni Fr. Fajardo sa panayam sa Radyo Veritas.
Naunang nagpahayag ng pagkadismaya ang Pari sa kawalan ng pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan sa mga nagaganap na katiwalian dahil palipat lipat lamang ang mga ito sa iba pang sangay ng pamahalaan.
Iginiit ng Pari na sa halip na ilipat ng ahensya o posisyon ay mas dapat na maimbestigahan ang mga ito upang mapanagot sa kanilang nagawang kasalanan.
Sa tala ng Veritas News and Research team, 20-opisyal na tinanggal sa posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kasong may kaugnayan sa katiwalian at kurapsyon ay hindi nasampahan ng kaukulang kaso, 4-ang reaapointed at nailipat lamang ng puwesto habang ang isa naman ay nanatili sa posisyon.
Kabilang na dito ang kontrobersyal na paglilipat kay dating Bureau of Customs Commissioner Isidro Lapeña upang pangasiwaan ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa kabila ng 11-bilyong pisong halaga ng shabu na nakalusot sa Bureau of Customs.
Nakasaad sa Encyclical ni Pope Leo the 23rd noong 1888 na Libertas o on the Nature of Human Liberty na bagamat kinikilala ng Simbahan ang mga kahinaang taglay ng bawat indibidwal ay hindi katanggap-tanggap ang pagsisinungaling lalo na ang pagkukubli ng katotohanan para lamang sa kapakanan ng iilan.