178 total views
Nanindigan ang Sangguniang Layko ng Pilipinas na kailangang lalo pang pagtibayin ang pananampalataya ng mga Katolikong Filipino na humaharap ngayon sa pagsubok.
Ayon kay Marita Wasan, Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas, ang mga nagaganap na kaguluhan sa lipunan gaya ng extrajudicial killings, karahasan, at iba pang pagpatay ang mga dahilan kung bakit mas kinakailangang manalangin ng mga Filipino.
Giit ni Wasan ang mga ganitong pagkakataon din ang nagpapakita kung bakit mas kinakailangang magpunta sa simbahan ng mga mananampalataya.
“Nakikita ko kasi yung EJK killings ay hindi nagbibigay ng mabuting future para sa bawat pamilyang Filipino na naging biktima ng pagpatay, violence, mga kasinungalingan na ginagawa ng pamahalaan. It’s more reason for us to pray, it’s more reason for us to go to church and ask the Lord for conversion,” bahagi ng pahayag ni Wasan sa Radyo Veritas.
Ayon pa kay Wasan, marahil naging pangulo ng Pilipinas si Duterte upang lalo pang maging malapit sa Panginoon ang mga Filipino.
Naniniwala si Wasan na sa ganitong pagkakataon ay kinakailangang magkaisa ang lahat ng tao upang itaguyod ang buhay, maging madasalin, at kumapit sa pag-asang mula sa Panginoon.
Binigyan diin pa ni Wasan; “Siguro dapat talaga na maging mas prayerful tayo para mas maramdaman natin ang Panginoon sa buhay natin at hindi mangyari ang mga pangyayaring ganito. Lahat kami sa Sangguniang Layko ng Pilipinas ay parang dinudurog ang puso sapagkat alam namin na ang buhay ay mahalaga, ang bawat tao ay may dignidad na unti-unting inaalis.”
Matatandaang sa isang pahayag na ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ay hinimok nito ang mga Filipino na huwag nang magpunta sa simbahan at sa halip ay manalangin na lamang sa kani-kanilang bahay ang bawat Filipino.
Naninindigan ang simbahan kasama ang Sangguniang Layko ng Pilipinas sa kahalagahan ng pagpunta sa mga simbahan at pagdalo sa pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya bilang pinaka mataas na paraan ng pananalangin, at pagpapasalamat sa Panginoon.