228 total views
Magandang pagkakataon ang nakatakdang pagbabalik ng mga kampana sa Balangiga Eastern Samar.
Ayon kay Borongan Bishop Crispin Varquez, bahagi ng pananampalataya ng mga tao sa lugar ang mga kampana sapagkat ginagamit ito sa mga liturhikal na pagdiriwang ng Simbahang Katolika.
“Ang bell kasi related yan sa mga tao kasi ginagamit yan sa pagtawag sa mga mananampalataya para sa misa and other religious activities sa Simbahan lalo na sa Banal na Eukaristiya,” pahayag ni Bishop Varquez sa Radio Veritas.
Dahil dito, nananabik ang mananampalataya ng Eastern Samar na muling mailuklok ang mga kampana sa St. Lawrence the Martyr Parish sa Balangiga makalipas ang 117 taon nang kunin ito ng mga sundalong Amerikano.
Sa kasalukuyan ay naghihintay ang Diocese ng Borongan ng pinal na kautusan mula sa Department of National Defense para sa pormal na pagbabalik ng Balangiga Bells.
Nakadadagdag sa pananabik ng mga tao dahil batay sa ulat ibabalik ang mga kampana sa ika – 15 ng Disyembre o bago magsimula ang mga Misa de Gallo ang siyam na araw na paghahanda sa kapanganakan ng ating Manunubos.
Kaugnay dito pinaalalahanan ni Bishop Varquez ang mananampalataya na ang panahon ng Adbiyento ay pagkakataong ihanda ang mga sarili lalo na ang ispirituwal na aspeto upang maging ganap na kaaya-aya sa pakikibahagi sa pagdiriwang ng Kapaskuhan.
Samantala, nagpasalamat si Bishop Varquez sa lahat ng mga taong nagsusumikap upang maibalik ang mga kampana ng Balangiga sa Simbahan.
“We are grateful sa mga tao, marami kasi ang naglobby for the return of the bell, sa tulong nila at sa ating lahat na nagdasal at gumawa ng mga paraan maibalik ang bell dito sa Balangiga,” pahayag ng Obispo.
Magugunitang tiniyak ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pagdating ng mga kampana mula Amerika sa ika – 11 ng Disyembre sa Villamor Airbase.
Ayon sa kalihim ang pagbabalik sa Balangiga Bells ang magsilbing palatandaan at pagbibigay parangal sa mga nasawing indibidwal noong 1901 sa digmaan ng Pilipinas at Amerika.