238 total views
Nananawagan ng katarungan ang isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines para sa mga nasawing indibidwal dahil sa pagtulong sa mga naisasantabing sektor ng lipunan.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, hindi pa rin nakakamit ni Rev. Fr. Marcelito Paez ang katarungan isang taon makalipas itong paslangin ng mga hindi nakikilalang salarin noong ika – 4 ng Diyembre sa Lambakin, Jaen, Nueva Ecija.
“Ang panawagan natin hindi lang para kay Fr. Tito kundi sa lahat ng mga nagtatrabaho especially for those working for the poorest of the poor,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Nag-alay ng misa ang Diyosesis ng San Jose bilang pag-alala sa unang anibersaryo ng pagkamatay ng Pari kung saan dinaluhan ng mahigit sa 30 mga Pari at Obispo kasama ang ilang tagasuporta ni Fr. Paez.
Batay sa huling impormasyong nakuha ni Bishop Mallari, chairman ng CBCP-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na minamanmanan si Fr. Paez noong dinalaw nito sa kulungan ang isang political prisoner upang asikasuhin ang paglaya nito.
RED TAGGING
Ikinabahala ni Bishop Mallari ang hakbang ng pamahalaan na ibilang sa hanay ng makakaliwang grupo ang mga grupo at institusyon tulad ng Simbahang Katolika na lumilingap sa mga nangangailangan sa lipunan.
Aniya, hindi ito makatarungan sapagkat gampanin ng Simbahan ang kalingain at arugain ang mga mahihirap bilang pagsunod sa misyon ni Hesus na kinakanlong ang mga napapabayaan sa pamayanan.
“Tayo sa Simbahan we are serving to everybody especially the poorest of the poor, we cannot close our door to them kasi kasama natin silang mga kapatid na nangangailangan,” ani ni Bishop Mallari.
Ikinatuwa noon ng Obispo na may mga kinatawan ang ilang makakaliwang grupo sa Kongreso at Gabinete ng administrasyong Duterte na unti-unti ring tinatanggal at ngayon ay tinutugis kasabay ng desisyong ihinto ang usapang pangkapayapaan.
Umaasa si Bishop Mallari na tulad sa ibang mga bansa mabigyang pagkakataon ang iba’t ibang panig sa isang dayalogo upang mapag-usapan ang mga hindi pagkakasundo at pagkakaiba ng pananaw sa iba’t ibang mga usapin.
Si Fr. Paez ang unang biktima sa tatlong paring nasawi sa magkahiwalay na insidente ng pamamaslang sa ilalim ng administrasyong Duterte.
Sa tala naman ng Pontifical Institute for Foreign Missions (PIME) mula administrasyong Marcos hanggang administrasyon ni dating pangulong Benigno Aquino III umabot sa 13 Pari ang biktima ng pamamaslang bukod pa dito ang kaso nina Fr. Marcelito Paez, Fr. Mark Anthony Ventura at Fr. Richmond Nilo habang nakaligtas naman sa tangkang pagpatay si Rev. Fr. Rey Urmeneta ng Diocese ng San Pablo na binaril noong ika – 6 ng Hunyo sa Calamba Laguna.
Dahil dito hinimok ni Bishop Mallari ang mananampalataya na bigyang pansin ang mga nangyayari sa kapaligiran at magkaisang manalangin sa Panginoon upang gabayan sa lahat ng panahon.
“Ngayong adbiyento we especially sa Catholic Church we call on everybody na talagang magising yung malasakit natin sa nangyayari sa kapaligiran natin, dun sa mga bagay na nakalulungkot, We pray come Lord Jesus, yun bang dumating sana ang Panginoon sa gitna ng mga sitwasyong nakalulungkot.”