192 total views
Pormal nang binuksan ng Radio Veritas Asia ang “Maria An Art Exhibit for a Cause” noong ika-7 ng Disyembre, 2018 sa RVA Lobby, Buick St., Fairview Park, Quezon City.
Ayon kay Fr. Victor Sadaya–General Manager ng Radio Veritas Asia, layunin ng pagbubukas ng exhibit na ipinamalas ang iba’t-ibang likhang sining na tampok ang Mahal na Birheng Maria.
Nais din nitong makatulong ang exhibit sa pagpapalalim at pagpapatingkad ng pagmamahal at debosyon ng mga mananampalataya sa Mahal na Ina.
Ipinaalala pa ng pari na mahalagang matularan ng mga katoliko ang pananampalatayang ipinakita ng Mahal na Birhen sa kan’yang pagsunod sa mga utos ng Panginoon.
“The faith she lived teaches us that faith does not make things easy, but it makes things possible,” bahagi ng pahayag ni Fr. Sadaya.
Ang malilikom na pondo mula sa exhibit ay ilalaan para sa pagpapatayo ng Radio Veritas Asia Museum.
Katuwang dito ng Radio Veritas Asia ang ‘Babalik Karin RVA Community’ na binubuo ng kanilang mga dating empleyado.
Dahil dito inaanyayahan ang mga mananampalataya na bisitahin ang “Maria An Art Exhibit for a Cause” na mananatili sa Radio Veritas Asia hanggang sa ika-24 ng Pebrero.