211 total views
Pinangunahan ni Papal Envoy Osaka Archbishop Thomas Aquinas Manyo Cardinal Maeda ang pagdiriwang ng banal na misa sa kapistahan ng Our Lady of the Immaculate Conception at ang pag-alala sa ika-60 taong anibersaryo ng muling pagtatatag ng Manila Cathedral.
Bago magsimula ang banal na misa isinagawa ang unveiling of the image of Our Lady of the Immaculate Conception sa pintuan ng Manila Cathedral na binasbasan ni Cardinal Maeda.
Binati at malugod na tinanggap ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle si Cardinal Maeda at nagbahagi ito ng ilan sa kanilang mga karanasan ng bumisita si Cardinal Tagle sa Archdiocese of Osaka sa Japan.
Samantala, sa panayam ng Radyo Veritas kay Cardinal Maeda, sinabi nitong katangi-tangi ang ipinakikitang debosyon ng mga katolikong Filipino sa Mahal na birheng Maria, at ito ang dahilan kung bakit sa anumang pag-subok ay patuloy na nagiging matatag ang simbahan sa Pilipinas.
Ipinagmalaki naman ni Cardinal Maeda na maaaring maging modelo para sa ibang mga bansa ang samahan ng Pilipinas at Japan sa pamamagitan ng hindi na pakikiisang muli sa mga digmaan.
Sinabi nito na kinakailangang alalahanin ng bawat isa ang malagim na epekto ng digmaan gaya ng ipinakitang larawan ni Pope Francis kung saan buhat ng isang batang lalaki ang kan’yang kapatid na wala nang buhay.
Tiwala si Cardinal Maeda na sa pamamagitan ng pagsisimula sa simbahang katoliko ng Pilipinas at Japan ay maipalaganap sa buong mundo ang mensahe ng pagpapatawad at pakikipagkasundo.
“Ang ating Panginoon mismo sa kanyang sarili, ibinigay n’ya mismo sa atin ang pagpapatawad at pagkakasundo kaya dapat tayo din lalo na ang Pilipinas at Japan na simulan natin sa simbahang katoliko na ipalaganap din natin sa iba’t ibang tao lalo na sa buong mundo ang mensahe ng pagpapatawad at pakikipagkasundo sa bawat isa.” pahayag ni Cardinal Maeda sa Radyo Veritas na isinalin sa Filipino ni Fr. Eric De Guzman.
Taong 1958 nang muling maitatag ang Manila Cathedral matapos gumuho noong ikalawang digmaan pandaigdig.
Dahil dito, isasagawa ang ikalawang selebrasyon para sa anibersaryo ng katedral ngayong Lunes ika-10 ng Disyembre ganap na ika-5 ng hapon.
Isasagawa din dito ang Solemn Dedication of the Altar of the Manila Cathedral ayon sa ritwal ng Second Vatican Council.