241 total views
Nagpahayag ng suporta sa adbokasiya at misyon ng Simbahan Katolika si former Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.
Ang pagtatanggol ng dating punong mahistrado ay kasunod ng sunod sunod na pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa mga Pari, Obispo at sa mismong Simbahan.
Iginiit ni Sereno na tama lamang ang pangunguna ng mga lingkod ng Simbahan sa pagtugon laban sa patuloy na nagaganap na karahasan sa lipunan.
Ipinaliwanag ng dating punong mahistrado na nakabatay sa bibliya at sa Salita ng Diyos ang paninindigan ng Simbahan kaugnay sa mga pangunahing usaping panlipunan lalo sa karapatang pantao at dignidad ng buhay.
“Ang nangyari more than 20,000 na ang admitted na patay na talaga, ano bang nangyayari sa lipunan natin? Kaya tama lang po na ang Simbahang Katoliko ay nangunguna sa bagay na ito sapagkat kinikilala lang po naman niya ang pangunguna ng bibliya sa lahat ng mga bagay na panglipunan na kailangan nilang pag-usapan lalo na kung tungkol sa buhay ng tao…” pahayag ni Sereno sa panayam sa Radyo Veritas.
Hinimok rin ng dating punong mahistrado ang bawat mamamayan na labanan at tutulan ang mga maling nagaganap sa lipunan.
Ayon kay Sereno, hindi na dapat palagpasin pa ng mga mamamayan ang mga hindi katanggap-tanggap na ginagawa at mga pahayag ni Pangulong Duterte.
Partikular na tinukoy ng dating punong mahistrado ang kontrobersyal na pahayag ng Pangulo kaugnay sa pagpaslang sa mga Obispo.
Giit ni Sereno, dapat na kumilos ang bawat isa upang labanan ang mga maling gawing ito ng pinakamataas na opisyal ng bansa.
“Huwag na ho nating palagpasin sa ating mga isip na tama yung ginagawa ng ating Pangulo, pinapanawagan ang pagkamatay ng mga Obispo, ibig sabihin po pati sa isip natin at sa puso natin mag-resist na tayo at sabihin natin ‘mali na ito.” pahayag ni Sereno.
Naunang nagpahayag ng pangamba ang Commission on Human Rights o CHR sa maaring maging epekto sa kaligtasan ng mga Pari at ng mga Obispo.
Read: CHR, nababahala sa banta ng Pangulong Duterte sa mga lingkod ng Simbahan
Matatandaang, sa loob lamang ng anim na buwan noong 2017 ay umabot sa 3 pari ang napaslang sa ilalim ng Administrasyong Duterte.
Ang una ay si Fr. Marcelito “Tito” Paez ng Diocese of San Jose, Nueva Ecija noong ika-4 ng Disyembre ng nakalipas ng taong 2017 na nasundang ng pagpaslang kay Rev. Fr. Mark Anthony Ventura ng Archdiocese of Tuguegarao noong ika-29 naman ng Abril ng kasalukuyang taon at ang pinakahuli ay ang pagkakapaslang kay Rev. Fr. Richmond Nilo ng Diocese of Cabanatuan, Nueva Ecija noong Hunyo ng kasalukuyang taon.