226 total views
Kinilala ng Simbahang Katolika ang malaking ambag ng mga Overseas Filipino Workers sa bansa at higit sa lahat sa kani-kanilang mga pamilya.
Ayon kay Balanga Bishop Ruperto Santos, Chairman ng Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, higit na sakripisyo ang pinaiiral ng mga OFW sa paghahanapbuhay sa ibayong dagat kaya’t nararapat na bigyang pansin ang kanilang pagsusumikap.
“Our Church welcomes with gratitude and appreciation our balikbayan OFWs for their sacrifices and services to their families and to our country,” pahayag ni Bishop Santos sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng Obispo ay kaugnay sa pagdiriwang ng buwan ng mga Overseas Filipino Workers na ginugunita tuwing Disyembre matapos italaga ng pamahalaan sa pamamagitan ng Proclamation No. 276 ang “Month of Overseas Filipinos” noong 1988.
Pinuri ng pinuno ng CBCP-ECMI ang mga manggagawa sa ibayong dagat sapagkat nakatutulong ito sa pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas.
“You build up our economy and much more you prepare a better and brighter future for your children,” ani ng Obispo.
Bukod dito, umapela si Bishop Santos sa mga uuwing OFW na gamitin ang pagkakataon na makipag-usap sa pamilya at magbahaginan ng mga kuwento lalo na sa mga kabataan upang maging makabuluhan ang pagsasama sa panahon ng Kapaskuhan.
Hinimok din ng Obispo ang mga magulang na makiisa at pagbuklurin ang pamilya sa pagdalo sa mga misa upang sama-samang mananalangin.
“We at CBCP ECMI appeal that you use and spend your time with your families, speak to your family members always and share your stories with your children. Bring them always to the Church, and attend the Simbang gabi and pray together.” pahayag ni Bishop Santos
Pinaalalahanan din ng Obispo ang pamilya ng mga OFW na maging matalino sa paggastos at paglalaan ng perang kinikita at tiyaking mapupunta sa mga mahahalagang bagay upang hindi maaksaya ang paghihirap sa pagtatrabaho na malayo sa piling ng pamilya.
Tiniyak ni Bishop Santos na kaisa ang buong Simbahan sa pagsusumikap ng higit sampung milyong OFW sa iba’t ibang panig ng mundo at patuloy itong ipinanalangin na gabayan sa bawat oras at iligtas sa tiyak na kapahamakan.
“Our Church cares for you and we are always praying for safety, sound health and your successes with your works and with studies of your children,” pahayag ni Bishop Santos.