1,377 total views
Inihayag ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na kailangang palakasin ang pagtuturo ng katesismo at mga aral ng Panginoon lalo na sa mga kabataan.
Ayon kay San Jose Bishop Roberto Mallari, tagapamuno ng Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education, higit na nagagabayan ang tao kung malalim ang pananalig sa Panginoon at nauunawaan ang dakilang pag-ibig na ipinadama sa bawat isa.
“If we have faith mas madaling mangarap kasi we believe more in God of what we can do,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng Obispo na sa pakikipag-ugnayan ng tao sa Panginoon hindi nalilimitahan ang mga pangarap nito sa buhay at lalong naipahahayag ang pagtitiwala sa Diyos.
Ang pahayag ni Bishop Mallari ay tugon sa resulta ng pag-aaral na ginawa ng Dream Project PH kung saan lumabas na 70 porsyento o katumbas sa 7 sa bawat 10 kabataang Filipino ang walang pangarap sa buhay.
Ang 9 na taong pag-aaral ng grupo ay layuning tukuyin at himukin ang mga kabataan na mangarap para sa kanilang kinabukasan partikular ang mga nasa maliliit na sektor ng lipunan.
Dahil dito, pinaiigting ng Simbahang Katolika ang pagtuturo ng katesismo sa mga paaralan upang higit na mauunawaan ng mga kabataan ang turo at aral na magiging gabay sa kanilang paglalakbay sa mundo at tahakin ang landas ng kanilang mga pangarap.
TUGUNAN ANG KAHIRAPAN
Naniniwala ang Obispo na isa sa mga sanhi ng kawalang pangarap sa mga kabataan ang labis na kahirapan na nararanasan ng mamamayan.
Aniya, higit na inaalala ng mga mahihirap ang mga pangunahing pangangailangan ng pamilya tulad ng pagkain at tirahan kaya’t hindi na ito nangangarap para sa kinabukasan.
Dahil dito, nananawagan ni Bishop Mallari sa pamahalaan na tugunan ang lumalalang kahirapan sa bansa upang maibsan ang paghihirap ng mamamayan at matulungang maiangat sa karukhaan.
“I think kung matutugunan yung problema sa poverty, yung poverty alleviation talaga ng government ma-strengthened kasi I believe na susunod na yung pangarap eh,” dagdag pa ni Bishop Mallari.
Ayon sa mga naitalang sanhi ng Dream Project PH bukod sa kahirapan ay nangunguna ang mga salitang nagpapahina ng loob sa mga kabataan at kawalang suporta mula sa mga magulang, kawalan ng tiwala sa sarili, at kawalang oportunidad.
TUGON NG SIMBAHAN
Patuloy naman na kumikilos ang Simbahang Katolika upang abutin ang mahihirap na sektor sa lipunan at tulungang makaangat sa kahirapan.
Nangunguna dito ang Caritas Manila kung saan pinalalakas ang Youth Servant Leadership Program, ang scholarship program ng social action arm ng Arkidiyosesis ng Maynila na tumutulong sa 5, 000 kabataan sa buong bansa na mkakapag-aral.
Naniniwala ang Simbahan na ang edukasyon ang susi sa tagumpay ng bawat isa.
Bukod sa scholarship program may iba’t ibang programa rin ang Caritas Manila na naglalayong mabigyang pag-asa ang bawat dukha sa bansa at magkaroon ng pangarap sa buhay at sa buong pamilya.
Binigyang diin ni Bishop Mallari ang programa ng Pondo ng Pinoy partikular ang feeding program na lumilingap sa mga malnourished na kabataan na pinaniniwalaang sanhi rin ng kawalang pangarap ng isang bata.
Dahil dito hinimok ng Obispo ang lahat ng mamamayan at institusyon na magtulungan upang magkaroon ng magandang kinabukasan ang lahat ng kabataan.