318 total views
Mahalagang maibahagi ng pamilya ng mga biktima na nasawi sa war on drugs ng pamahalaan ang kanilang mga karanasan at tunay na kuwento sa pagkamatay ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ito ang apela ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman, CBCP-Episcopal Commission on the Laity sa mga naiwang mahal sa buhay ng mga biktima ng drug-related killings na natatakot lumantad at ipaglaban ang katarungan.
Iginiit ni Bishop Pabillo na mahalagang maikuwento at maibahagi ng mga kapamilya ng drug related killing ang karanasan para malaman ng sambayanan ang kanilang pinagdadaanan.
“Napakahalaga una sa mga pamilya na kailangan silang magkwento, kailangan yun para mapagaling sila sa trauma nila na magkwento sila at ang mga tao ay nakikinig sa kanilang kwento, pangalawa kailangan nating marinig ang kwento nila para kasi maraming mga tao na hindi nararamdaman yung kabigatan na nangyayari sa mga naulila, sa mga naiwan…” pahayag ni Bishop Pabillo sa panayam sa Radio Veritas.
Iginiit rin ng Obispo na napapanahon na upang mawakasan ang marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Binigyan diin ni Bishop Pabillo na nararapat ng itigil ng pamahalaan ang marahas na kampanya laban sa illegal na droga na hindi naging matagumpay.
Dismayado rin si Bishop Pabillo na nagagamit din ang droga upang makapang-abuso at makapanakit ng kapwa.
“Kailangan na talagang itigil ito kasi hindi naman naging matagumpay itong ganitong paraan, dumadami lamang ang mga biktima at hindi naman natatanggal yung droga, at ang droga pa ang ginagamit para mang-abuso ng kapwa kaya dapat talaga maitigil na ito, itong War on Drugs na ito…” Dagdag ni Bishop Pabillo.
Batay sa tala ng mga human rights advocates, aabot na sa halos 25-libo ang bilang ng mga nasasawi sa marahas na implementasyon ng kampanya laban sa illegal na droga.
Kabilang ang Sangguniang Layko ng Pilipinas na pinamamahalaan ni Bishop Pabillo sa mga nagsilbing Convenors ng naganap na The Real Score: A National Conference on Upholding Life, Dignity and Justice in the Midst of Duterte’s ‘War on Drugs’ sa Colegio de San Juan de Letran bilang paggunita na rin sa Human Rights Day.
Layunin ng pagtitipon na nagsilbi ring pagkakataon upang makapagsama-sama ang mga pamilya ng mga nasawi sa extra-judicial killings at iba’t ibang mga sektor na tumutulong sa pagkamit ng katarungan para sa mga nasawi sa war on drugs.
Isinusulong naman ng Simbahan na mapalalim pa ang kamalayan ng mga mamamayan kaugnay sa lumalalang sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa at kawalang katarungan sa mga naganap na karahasan sa lipunan.