315 total views
Mga Kapanalig, rule of law daw ang dapat manaig sa isang demokrasyang tulad ng Pilipinas.
Iyan ang paalala ng tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Atty Salvador Panelo bilang reaksyon sa pag-aresto sa dating kinatawan ng Bayan Muna Party-list na si Satur Ocampo at 16 na iba pa. Hinuli kamakailan sina Ocampo at kanyang mga kasama sa Davao del Norte dahil sa umano’y kidnapping at human trafficking. Natuklasan sa checkpoint doon na kasama nila ang 14 na menor de edad mula sa Salugpungan School, isang paaralan para sa mga katutubo o indigenous peoples. Paliwanag ni Ocampo, tumugon lamang sila sa pakiusap ng mga guro roon na tulungan sila dahil inaatake ang kanilang paaralan ng Alamara paramilitary group, isang grupong binuo upang maging katuwang ng militar laban sa mga umano’y rebelde.
Ang pangulo naman ng Rappler, ang online news site na naglalabas ng mga balitang hindi nagugustuhan ng administrasyong Duterte, ay kinasuhan naman ng DOJ ng patung-patong na kaso ng tax evasion. Giit ni Maria Ressa, walang basehan ang mga kasong ito, at nakikita niya itong pahiwatig mula sa administrasyon na kailangang maging maingat ang Rappler. Sabi pa ng abogado ng Rappler, kitang-kita kung paano minadali ng DOJ ang pagsasampa ng kaso kahit hindi pa nila natatanggap ang desisyon ng DOJ sa dininig nitong tax evasion case laban sa organisasyon. Malinaw daw na salungat ito sa due process na karapatan ng sinumang sasampahan ng kaso.
Samantala, kinatigan ng Korte Suprema ang pagpapawalang-sala ng Court of Tax Appeals kay Juan Miguel “Mikey” Arroyo, anak ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, sa kasong tax evasion. Bigo raw ang Office of the Solicitor General o OSG na patunayang hindi nagbayad ng buwis na nagkakahalaga ng 27 milyong piso ang nakababatang Arroyo. Dahil lamang sa depekto sa mga papeles na ipinasa ng OSG—o baka naman sa kawalan nito ng interes na talagang isulong ang kaso laban sa anak ng kaalyado ng pangulo—hindi na natin mapapanagot ang sinasabing lumusot sa batas para lamang makaiwas sa pagbabayad ng buwis.
At nito ngang Biyernes, acquitted sa kasong plunder ang dating senador at artistang si Bong Revilla, Jr. Ayon sa Sandiganbayan, hindi raw napatunayang tumanggap ang senador ng milyun-milyong kickback at komisyon mula sa kanyang Priority Assistance Development Fund o PDAF. Ngunit ang nakapagtataka, ipinasasauli sa kanya ang bahagi ng mahigit 100 milyong pisong nakulimbat niya kasabwat ang kanyang aide at ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles na kapwa nasentensyahan ng habambuhay na pagkakakulong. Bakit siya magsasauli kung hindi naman siya guilty?
Hindi mahirap isiping sa mga nangyayari ngayon—kung saan malinaw na may ginigipit at may pinapaboran—na tila ba nalulusaw na ang tunay na kahulugan ng “rule of law.” Sa Catholic social teaching na Centesimus Annus, sinabi ni San Juan Pablo II, ang prinsipyo ng rule of law ay mahalaga hindi lamang upang tiyaking walang sangay ng pamahalaan at mga lider natin ang umaabuso sa kanilang kapangyarihan kundi upang pangalagaan ang kalayaan ng lahat, kahit pa ng mga pumupuna sa mga ginagawang mali ng mga nasa poder. Dagdag pa niya, ang rule of law ay hindi lamang batay sa kagustuhan ng iilang tao.
Ngunit ang malungkot na katotohanan sa ating bayan sa kasalukuyan, nagagamit ng mga ganid sa kapangyarihan at kayamanan ang ating mga batas upang makaiwas sila sa parusang magpapanagot sa kamalian nila. Nagagamit din ito ng mga nasa poder upang patahimikin ang mga hindi nila kakampi at nakakikita ng mali sa kanilang ginagawa.
Sa inyong palagay, mga Kapanalig, nananaig ba ang rule of law sa ating bayan? O kung nananaig man, patas ba itong nailalapat sa lahat?
Sumainyo ang katotohanan.