257 total views
Mga Kapanalig, ipinasá noong nakaraang linggo sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Resolution of Both Houses No. 15. Sa panukalang ito, na inihain ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo, nais ng mga mambabatas na mag-Charter change o Cha-cha upang gawing pederál ang porma ng ating pamahalaan. Sinasabing minadali o ni-railroad ang panukala dahil ipinasá ito kahit kaunti lamang ang nasa plenaryo at hindi naging sapat ang mga konsultasyon at deliberasyon.
Isa sa pinakamatingkad at kontrobersyal na probisyon sa nasabing panukala ay ang pag-aalis ng term limits o ng malinaw na itatagal ng panunungkulan ng ating mga lider. Sa ngayon, pinapayagan lamang na ma-reelect para sa pangalawang termino ang mga senador na may anim na taóng panunungkulan bawat termino, habang tatlong taon naman ang haba ng panunungkulan ng mga kongresista at party-list representatives na pinapayagang tumakbong muli hanggang sa tatlong termino. Kung wala nang term limits, maaaring manatili sa iilang tao ang kapangyarihan bilang mambabatas at hindi na mabibigyan ng pagkakaton ang ibang nais ding maglingkod sa bayan sa pamamagitan ng paggawa ng mga batas.
Wala ring probisyon ang RBH No. 15 na nagbabawal sa political dynasty. Malinaw na itinatakda ng Saligang Batas ng 1987 ang pagkakaroon ng isang batas na tahasang magbabawal sa paghahalal ng magkakamag-anak nang sabay-sabay. Hindi sa sinasabi nating walang karapatan ang mga magkakapamilyang tumakbo sa eleksyon, ngunit batay sa pag-aaral na ginawa ng Asian Institute of Management Policy Center noong 2012, matindi ang kahirapan at malaki ang agwat ng mayayaman at mahihirap sa mga lugar na maraming political dynasties. Sa mga pinakamahihirap na distrito sa ating bansa matatagpuan ang mga tinatawag na “fat dynasties” o mga angkang may mahigit sa dalawang miyembro na nasa pulitika.
Bakit daw inalis sa panukala ang dalawang probisyong ito? Ayon sa mga mambabatas na sumuporta sa RBH No. 15, hindi na raw kinakailangan ang mga ito dahil kapag inalis raw ang term limits, hindi na kakailanganin ang anti-political dynasty provision. Tila ba ipinahihiwatig nilang hindi na kailangang tumakbo ng asawa o anak ng isang politiko sa susunod na halalan dahil tuluy-tuloy naman na ang kanyang termino. Anong lohika mayroon ang ganitong pangangatwiran?
Lagi nating naririnig tuwing eleksyon ang isyu ng political dynasty, at lagi rin namang may mga pulitikong nagsasabing hindi dapat maging batayan ang kanilang pinanggalingang pamilya upang hindi sila makapaglingkod sa bayan. Ngunit ang katotohanan, sila-sila ring magkakapamilya ang nasa balota. Tiyak na may mga magkakamag-anak sa uupo sa iba’t ibang puwesto, at tiyak na may mga nananalong asawa, kapatid, o anak ng isang pulitikong natapos na ang termino. Nangyayari ito dahil wala nang ibang kilala ang mga tao, dahil maaaring nakatanggap sila ng pabor mula sa mga ito, o kaya naman ay hindi talaga batayan ng mga botante ang talino, integridad, at husay ng mga kandidato—at ang mga ito ang sinasamantala ng mga pulitikong nais manatili sa kapangyarihan na para bang negosyo na nila ang pagtakbo sa pulitika.
Ang ganitong kultura sa ating pulitika ay salungat sa prinsipyo ng pagbibigay-kapangyarihan sa taumbayan o people emowerment na binibigyang-diin sa mga panlipunang turo ng Simbahan. Bilang mga Kristiyano, tungkulin nating makilahok sa pulitika ngunit kailangang tumatanaw ito sa kabutihang panlahat o common good. Bahagi ng pagiging mabuting Kristiyano ang pagtiyak na ang pulitika ay ginagamit upang maging instrumento ng pagtataguyod ng kapakanan ng lahat at hindi ng interes ng iilan.
Kaya mga Kapanalig, kung hahayaan nating magtagumpay ang mga nais alisin ang term limits ng mga lider at panatilihin ang political dynasties, nagiging tulay tayo tungo sa kapahamakan ng ating kapwa at natin mismo. Tingnan na lamang natin kung nasaan tayo ngayon bilang isang bayan.
Sumainyo ang katotohanan.