275 total views
Mga Kapanalig, sa ikatlong pagkakataon, muling pinalawig ang batas militar o martial law sa buong Mindanao. Noong isang lingggo, pinagbigyan ng Senado at ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang kahilingan ni Pangulong Duterte na i-extend ang martial law sa Mindanao hanggang sa katapusan ng Disyembre 2019.
Kung inyong matatandaan, isinailalim ng pangulo ang Mindanao sa martial law noong Mayo 2017 bilang tugon sa pag-atake ng Maute Group sa Marawi. Sa ilalim ng martial law, kontrolado ng militar ang mga lugar, bagamat umiiral pa rin ang Saligang Batas at ang gumagana pa rin ang mga korte. Hindi rin nito awtomatikong sinususpinde ang writ of habeas corpus o pinapayagan ang warantless arrests, maliban na lamang kung sangkot ang mga nais dakpin sa rebelyon o pananakop.
Inaprubahan din noon ng Kongreso ang proklamasyon ng pangulo sa kabila ng pagtutol ng ilang grupo dahil maaari itong magbunga ng pag-abuso sa karapatang pantao. Sa halip na sa Marawi lamang kung saan nagaganap ang bakbakan, buong Mindanao ang inilagay sa batas militar. Kinatigan ng Korte Suprema noong Hulyo 2017 ang martial law. Noong buwan ding iyon, sa nalalapit na pagtatapos ng 60 araw na martial law sa Mindanao, pinalawig pa ito ng Kongreso hanggang sa katapusan ng 2017. Makalipas ang mahigit apat na buwang sagupaan, idineklarang malaya na ang Marawi mula sa Maute Group. Sa kabila nito, muling pinalawig ng Kongreso ang martial law sa buong Mindanao hanggang matapos ang 2018 upang maubos raw ang mga natitirang puwersa ng rebeldeng grupo. Ito pa rin ang katwiran ng pamahalaan para sa ikatlong pagpapalawig ng martial law sa Mindanao.
Para kanino nga ba ang martial law sa Mindanao, mga Kapanalig? Sagot nga ba ito sa patuloy na kaguluhan sa Mindanao?
Para sa ilang Muslim at tribal groups sa Mindanao, hindi sagot ang pagpapatuloy ng martial law sa mga suliraning kinakaharap nila. Pinaiigting nito ang mga pang-aabusong gawa ng militar at paramilitary groups. Ayon sa Sandugo Movement of Moro and Indigenous Peoples, mula nang manungkulan si Pangulong Duterte ay may 54 na katutubo na ang napapatay, mayroong 182 na kaso ng illegal detention, at 67 insidente ng forced evacuation ng tribal communities na mayroong 3,000 na apektadong indibidwal. Tumindi ang lahat ng ito noong idineklara ang martial law sa buong Mindanao. Ayon naman sa grupong Karapatan, umpisa noong Mayo 2017, mayroong 88 katao na sinasabing pinatay ng militar at paramilitary groups, mahigit 1,000 ang iligal na inaresto, at 300,000 na apektado sa pambobomba sa mga komunidad.
Patunay ang muling pag-e-extend ng martial law sa Mindanao na hindi nito tinutuldukan ang nagpapatuloy na kaguluhan doon, na hindi ito ang tamang hakbang tungo sa pangmatagalang kapayapaan doon. Nakalulungkot na hindi nakikita ng mga pabor sa martial law, kabilang ang ilang mga taga-Mindanao, ang implikasyon nito sa karapatang pantao kapalit ng inaakala nilang mas mapayapang kapaligiran.
Mga Kapanalig, ang kapayapaan ay hindi lamang ang kawalan ng digmaan o hidwaan. Bunga ito ng katarungan at pag-ibig. Ang tunay na kapayapaan ay nakatuntong sa tamang pagtingin sa tao, sa pagkilala sa kanyang dignidad, at sa paggalang sa kanyang mga karapatan. Walang kapayapaan kung nilalapastangan ang tao, bagay na nangyayari sa tuwing kumikiling tayo sa paggamit ng dahas upang tugunan ang anumang hamon o problemang kinakaharap natin. Sinisira ng karahasan ang sinasabi nitong layunin nito–ang pangalagaan ang dignidad, buhay, at kalayaan ng tao.
Mga Kapanalig, sa patuloy na pagkiling ng pamahalaan sa karahasan, pagnilayan natin ang mga salita ni St. John Paul II, “Huwag tayong matakot na bigyang-pagkakataon ang kapayapaan at magturo ng kapayapaan… Magsikap para sa kapayapaan [dahil] ito ang magiging huling salita ng kasaysayan.”
Sumainyo ang katotohanan.