214 total views
Tiniyak ng Malacañang na hindi ipag-uutos ng Pangulong Rodrigo Duterte na paalisin ang mga kinatawan ng simbahan sa ginanap na turn over ceremony ng Balangiga Bells sa Eastern Samar.
Ayon kay Atty. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson, bagama’t wala pang resulta ang ginawang imbestigasyon hinggil sa akusasyon ay maliwanag ang ‘video footages’ na lumapit pa ang pangulo sa mga opisyal ng simbahan.
“Wala pang report. Yung ganung pangyayari hindi iuutos at hindi kailanman inutos ng Panginoon. Dahil labag sa etika yan,” ayon kay Secretary Panelo sa panayam ng Radio Veritas.
Unang kumalat sa social media ang sinasabing pagtataboy sa mga pari at Obispo ng Diocese of Borongan maging si Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Gabriele Giordano Caccia ng Presidential Management Staff.
“Nakita naman natin ‘yung sa video na mga pari naman nilapitan at kinamayan siya. Inacknowledge pa ang presensya nila sa event,” ayon pa kay Panelo.
Iginiit ni Panelo na hindi ito inutos ng Pangulo dahil labag ito sa etika bukod pa rito ang pagkilala ng Pangulo sa mga opisyal ng simbahan sa kaniyang talumpati.
Ika-15 ng Disyembre ng pormal nang i-turn over ng Gobyerno at kinatawan ng Estados Unidos ang Balangiga Bells sa mga kinatawan ng simbahan.
Isang misa ng pasasalamat din ang ginanap sa St. Lawrence Parish sa pangunguan ni dating Borongan Bishop Leonardo Medroso kasama ang ilang pang mga Obispo na dumalo sa pagdiriwang.
Ang makasaysayang kampana ay dinala ng mga sundalong Amerikano noong 1901 bilang tropeyo sa pagwawagi sa digmaan laban sa mga nag-aklas na mga Filipino.
Nagpapasalamat ang pamunuan ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pagkakasauli sa bansa ng makasaysayang Balangiga Bells na isang pagpapatunay ng paghihilom at pagkakasundo sa pagitan ng dalawang bansa.