424 total views
Homily
Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle
Kapistahan ng Birhen ng Guadalupe
December 12, 2018
Mga minamahal na kapatid sa Panginoong Hesukristo, una po sa lahat tayo ay magpasalamat sa Diyos na nagtipon sa atin bilang isang simbahan, bilang isang sambayanan upang sa araw na ito, mapanibago tayo ng salita ng Diyos, ng presensya ni Kristo, ng pagbuhos ng Espiritu Santo, at gayundin upang tayo ay magabayan at mabigyan ng inspirasyon ng ating pinipintakasi, ang Mahal na Birheng Maria, ina ni Hesus, ina ng Diyos, ina nating lahat, na dito po sa dambanang ito at sa buong Pilipinas at sa maraming bahagi ng mundo ay tinatawag, tinatawagan bilang birhen ng Guadalupe.
Nagpapasalamat po tayo sa nanggaling pa sa iba’t-ibang bahagi ng ating bansa. Pwede bang malaman, sino po sa inyo ang nakatira sa labas ng Archdiocese of Manila, yung hindi sa Archdiocese of Manila? pakitaas po [ang kamay]…
(Some raised their hands) Ayun, salamat po, huwag n’yong ibababa, hanggang matapos ang misa. (laughter)
Ayun talagang National Shrine ang atin pong dambana at atin din pong wine-welcome syempre sa tahanan ng Panginoon at tahanan ng Mahal na Ina ang atin pong mga faithful, mga mananampalataya sa Archdiocese of Manila.
Sa inyong lahat po, Happy Fiesta ng Our Lady of Guadalupe. (Applause) Sa taon pong ito, taon ng mga kabataan na idineklara ng mga Obispo ng Pilipinas, Year of the Youth. Kaya naman ang atin pong pagdiriwang ng Fiesta, ay nakatuon kay Maria bilang gabay, ilaw ng kabataang katoliko, at sana ng lahat ng kabataan kahit na hindi mga katoliko.
At huwag po nating isipin na ang Year of the Youth ay dapat lamang asikasuhin ng mga nasa Youth Ministry ng mga Diyosesis at ng Parokya, bagamat mayroong Youth Ministry ang kabataan po ay concern, alalahanin ng lahat ng bumubuo ng simbahan at ng lipunan.
Pamilya, ang pamilya concerned sa Youth. Edukasyon, paaralan, pati ang informal education, kabataan concern yan. Media, lalo na ang mga pelikula ang mga programa sa radio, ang mga musika ang internet, naku kabataan, isa sa mga concerns natin yan. Business, kasi ang mga advertising, ang mga moda na damit mga moda na buhok, mga moda na mata, mga moda na tainga, tinetesting muna nila yan sa kabataan.
Security, kasi ang mga kabataan maaari rin mauwi sa kriminalidad. Lahat po, lahat kailangang magtulong-tulong para maisakatuparan ang adhikain natin sa taong ito. Makatugon sa pangangailangan ng mga kabataan.
Noong Oktubre nagkaroon po ng pagtitipon ng mga representatives ng mga Obispo sa iba’t-ibang bahagi ng mundo, ginanap po sa Rome kasama si Pope Francis, at ang tutok po ay ang kabataan.
Papaaano maisasalin sa kanila ang pananampalataya at papaano sila matutulungan para maharap ang direksyon sa buhay? Ano ba ang kanilang papel sa buhay? At uulitin ko, hindi natin ipapasa yan, kayo naman ang bahala sa youth, kayo naman ang concerned d’yan lahat po. Dahil lahat ng bahagi ng buhay ang kabataan nandoon. Sa kabutihan man o sa hindi mabuti, ang isa sa laging napupuntirya ay ang kabataan.
Buong taon po na ito ay pagninilayan at hopefully kilusan sa iba’t-iba nating Diyosesis at iba’t-iba nating parokya. Pero sa araw pong ito, ibig ko lang magbigay po ng dalawang punto at dalawang hamon na rin, lalo na pagtumingin tayo kay Maria.
Ang una po, sa ebanghelyo, si Maria na taga-Nazareth Galilea ay nakatanggap ng misyon mula sa Diyos. Si Maria, sa ebanghelyo ay isang kabataan, youth si Maria, sabi po si Maria daw nung panahon na ‘yon ay baka kinse anyos.
Sa bibliya napakaraming kabataan, si Maria kabataan yan, si Jose kabataan, si Hesus youth at maaga ring namatay. Namatay si Hesus, nagmisyon si Hesus bilang youth, at malamang ang kan’yang mga unang alagad mga kabataan din.
Baka yung kan’yang mga unang kabarkada si Marta, si Maria, si Lazaro mga kabataan baka mga beauty queen pa nga yan, Ms. Barangay mga ganyan, mutya ng kalye, kabataan. Si Haring David kabataan, si Solomon kabataan, ang bibliya punong-puno ng mga halimbawa ng kabataan, regular na kabataan.
Dito po sa ebanghelyo, si Mariang dalagita at ano ang ibig nating matutunan sa kan’ya? Papaano hanapin ang direksyon sa buhay? Papaano hanapin ang tinatawag nating kahulugan ng buhay o misyon sa buhay?
Ang dalagitang Maria at ang binatilyong Jose may mga plano na, sila ay magkasintahan at magkatipan na. Minsan po sa panalangin ini-imagine ko, papaano kaya nag-usap itong si Maria at si Jose?
Pag-uwi n’yo i-imagine ninyo kilala naman natin sila, si Mariang walang bahid kasalanan, si Jose na matuwid na tao pero parehong taong-tao.
Papaano kaya sila nag-usap? Siguryo si Jose sasabihin, “Maria, pagtatayo kita ng pinaka magandang bahay dito sa Nazareth.” Si Maria naman, talaga?” (laughter) Mayumi. O ilang anak baa ng gusto natin? Aba lahi tayo ni David, aba dapat marami-rami, ganyan at saka siguro yung anak natin magiging kasing galing ni Solomon, marunong.”
Siguro yan ang kanilang mga plano sa buhay, meron naman. Bahagi ng pagiging kabataan ang magkaroon ng udyok para sa tatahakin sa buhay. Huwag nating papatayin ang energy, ang zeal ng kabataan na harapin ang kanilang buhay at ang kinabukasan.
Kaya mga kabataan, continue dreaming! Ang kabataan na hindi nangangarap, naku po hindi pa nga nagsisimula ang kabataan, nasa second childhood na.
Tayong mga hindi na bata, kapag naman ang kabataan ay nangangarap, huwag naman ninyong, “Tumahimik ka d’yan! Walang mangyayari d’yan!” “Inisip ko rin yan! Huwag mo nang pag-aksayahan yan! Hindi, si Maria, kabataan mayroong plano sa buhay, subalit kapag nangusap ang Diyos, huwag babalewalain ang tinig ng Diyos sa paghahanap sa direksyon ng buhay.
Tayo pong hindi na bata, tayo na gumagabay sa mga kabataan, hindi sapat na sabihin natin, “Sige hanapin mo ang pangarap mo sa buhay!” Kasama ng paggabay natin sa kanila ay ang pakikinig ihanda natin silang makinig sa salita ng Diyos.
Makinig sa Diyos, sa pagkat sa bandang huli, ang Diyos ang s’yang magtatakda ng tunay na pakay ng ating buhay. Pakiusap ko sa mga kabataan suriin ninyo, examinin ninyo, kapag kayo’y nagde-desisyon, ang Diyos ba kasama sa inyong pinapakinggan? Kapag kayo ay nagpa-plano, ano ang batayan ng inyong mga plano? Yun bang gusto ninyo, o yun bang, ayan matagal ko na yang inaasam-asam kaya huwag n’yo akong hahadlangan.
O kaya, uy maganda yan gusto kong bilhin yan! Bakit? Maganda, yun lang ba? Papaano tayo gumagawa ng desisyon sa buhay? May papel ba ang Diyos? Ang dalagitang si Maria, may plano sa buhay, pero kapag dumating ang anghel, kapag dumating ang sugo ng Diyos at ibinigay ang misyon, si Maria, una natakot, nagtanong, inamin n’ya hindi n’ya kaya.
“Papaano yan, paano ako magiging ina hindi pa nga kami nagsasama ni Jose? Hindi mayabang si Maria, hindi n’ya sinabi, kayang-kaya ko yan, chicken feed yan!
“Gabriel, tama ka! Buti ako ang pinuntahan mo, hindi yung ibang babae d’yan, ako talaga!” “The best ako! The best! Hindi ganyan si Maria, mapagpakumbaba, “Oo nga, naririnig kita pero, how can that be? Papaano yan?” At doon ang espiritu Santo ang kikilos sa buhay mo, at hindi nag-atubili si Maria, ang kan’yang plano, naging pangalawa na, ang plano ng Diyos ang mauuna.
Siguro handa na si Maria, “bye bye Jose” at alam naman natin sa ebanghelyo ni San Mateo, si Jose gusto na rin hiwalayan si Maria, pero sa plano ng Diyos, pinagsama pa rin sila.
Yung plano nila natupad din subalit iba na sa mas malaki nang plano, hindi na plano lamang nila kun’di plano ng Diyos. Pero para mangyari yan sa kabataan, tayong hindi na bata, papaano ba tayo nagde-desisyon? Tayo ba’y may energy para mangarap? Tayo ba’y nakikinig sa Diyos o balewala ang Diyos sa mga desisyon natin sa buhay?
Kay Maria makikita natin ang halimbawa hindi lamang para sa kabataan kun’di para sa ating lahat, isang tao na laging handang makinig sa Diyos upang hindi ang kalooban ko lamang kun’di ang kalooban ng Diyos ang siyang matupad at ang kalooban ng Diyos ang gagawin kong pangarap ko.
Ang hirap n’yan, ano po? Mangangarap ako pero sa bandang huli ang pangarap ng Diyos ang gagawin kong pangarap hindi na yung akin lamang, yung pangarap ng Diyos, yan na ang pangarap ko. Alam n’yo ba, si Pope Francis ay nag-aaral ng pagiging chemical engineer, yan ang kan’yang unang course, science. Nasa sciences ang kan’yang pangarap, pumasok ang Diyos, pero tingnan n’yo katulad ni Maria hindi naman natapos yung kan’yang pangangarap, pero yung pangarap ng Diyos ang kan’yang ginawa.
Walang nawala, biruin ninyo s’ya ay Santo Papa. Siguro nu’ng bata s’ya hindi n’ya alam, wala naman siyang pangarap na yun pero kapag ikaw ay sumunod at naghanap sa pangarap ng Diyos, Wow! O kayo po mamaya baka yung iba sa inyo mag-sho-shopping na, nakaharap na kayo sa isang damit na bibilhin n’yo, papano kayo mag dedesisyon?
Sasabihin n’yo ba, bagay yan sa akin matagal ko nang gusto yan.” Ganyan, dapat pakinggan n’yo ang anghel. Bago kayo bumili, mag-usap kayo ng anghel, pangarap ba ng Diyos na bilhin mo yan?
Baka sabihin ng anghel, Huwag, di huwag, o baka naman sabihin n’ya, “Bilhin mo pero hindi para sa iyo, bilhin mo at ibigay mo sa iba, di bilhin mo.
Pero huwag mong isusuot, ibigay mo sa iba. Hay naku po. Mga kabataan na nandito, masanay na kayo hindi yung, basta gusto ko, gusto ko kasi . Gusto ko! Ano kaya ang gusto ng Diyos at makinig sa kan’ya at kung kailangang mag-adjust ng pangarap, mag adjust. Ang pangarap ng Diyos ay higit pa kaysa sa ating mga mumunting pangarap.
Ang ikalawa po at dito ko magtatapos, kung titingnan po natin, ang dalagitang Maria na tinatawag natin sa kan’yang taguri, Birhen ng Guadalupe, sabi nila kung pagmamasdan natin sa mata ni Maria, Birhen ng Guadalupe, makikita ninyo, ano? Anong nandun sa mata ni Maria? Baka sabihin n’yo, “pilik mata.”
May sumasagot dito kanina ano ho? Si Juan Diego, kasi si Juan Diego yung kanyang kaharap di ba ho, kausap. At doon sa tela, tilma na kung saan naiwan yung larawan ng Mahal na Ina, kita natin pati ang larawan ni Juan Diego doon sa mata ni Maria.
Mga kabataan, ano ang nasa inyong mga mata? Pag kayo kaya ang nalagay sa tilma, ano ang nasa in’yong mga mata? Pero wag lang ang kabataan, tayo rin ano kaya? Naku baka pag nakita ang ating mga mata, ang makita barya kasi ang laging tinitignan ng ating mga mata, pera, pera, salapi, kwarta, pera.
Iisa lang yun, bakit ba ang mga mata yun lang ang tinitingnan? Baka kapag binuksan ang ating mga mata, makita doon mukha rin natin, yabang, sarili, kasi wala nang tinitignan kun’di sarili, hindi na nakakatingin sa kapwa, hindi na nakakatingin sa mga Juan Diego, na mga maliliit at mga naghihirap kasi ang tinitignan nalang lagi mga sariling mukha.
Selfie! Self! Self! Self! Kahit saan bumaling self! Pagtinignan an gating mga mata, ano kaya ang nandun? Si Juan Diego kaya na mamahalin? O tao na ibig lapastanganin, gustong yurakan, yung iba ang mga mata malikot. Para makita sino ang kanilang magagamit, maloloko, madudukutan, mapapatay.
‘Yang mga bag ninyo nand’yan pa ba? Sana po, sana tayong mga hindi na bata, magabayan natin ang pananaw, ang mga mata ng kabataan. Para kapag nasilip natin ang kanilang mga mata, makikita natin, tulad ng mga mata ng dalagitang Maria, ang nandun larawan ni Hesus.
Dahil ang mata ni Maria laging nakatitig sa kan’yang anak. Sana makita natin ang mga larawan ng iba’t-ibang Juan/Juana Diego ng ating panahon. Mga maliliit at simpleng tao na paglilingkuran.
Mga kabataan kamusta na ang inyong mga mata? Ano ang hanap n’yan? Ano ang tinititgan n’yan? Ano ang nasa mata ninyo? Tama na. Kaya ito ho ang misa ng alas dose kasi December 12, 12 o’clock e baka abutin tayo ng alas dos, hindi na dose. Pero simula lang ito, sana ipagpatuloy ninyo ang pagninilay sa taon ng kabataan ano an gating matututunan kay Maria at iba pang mga kabataan sa bibliya? Lahat po tayo mag malasakit sa kabataan, hindi lamang isla ang kinabukasan, sila na po ang present, bakit? More than 80 percent ng tao sa Metro Manila ay kabataan. Kaya ang quality ng kabataan, yan din ang quality ng ating lipunan at ng ating simbahan.
Laya mahalin natin siya, gabayan natin sila, pakinggan natin sila, at hanggat abot ng ating kaya makipaglakbay kasama nila, upang tulad ni Maria, sila ri’y makapagsasabi, “narito ang alipin ng Panginoon, maganap sa akin ang ayon sa wika mo.
Tumahimik po tayo sandali at tanggapin ang mensahe ng ating mga pagbasa.