684 total views
Mga Kapanalig, ngayon ay International Migrants Day o Pandaigdigang Araw ng mga Migrante. Itinuturing na migrante ang mga taong lumilipat sa ibang lugar upang magkaroon ng maayos na hanapbuhay at edukasyon o kaya naman ay upang makasama ang kanilang pamilya.
Maraming hamon ang kinakaharap ng mga migrante sa iba’t ibang panig ng mundo, gaya ng ating mga overseas Filipino workers o OFWs. Noong 2017, halos 2.3 milyong Pilipino ang naghahanapbuhay sa ibang bansa, at mga babae ang karamihan sa kanila. Pinakamarami ang nagtungo sa Saudi Arabia, United Arab Emirates o UAE, at Hong Kong upang mamasukan bilang mga domestic helpers o mga trabahador. At lantad sila sa panganib sa kanilang paghahanapbuhay. Maaari silang abusuhin at pagsamantalahan ng kanilang employer, gaya ng nangyari kay Jennifer Dalquez, isang OFW sa UAE. Napatay niya ang kanyang employer nang ipagtanggol niya ang kanyang sarili laban sa tangkang panghahalay sa kanya noong 2014. Nakulong si Jennifer at nahatulan ng bitay noong 2015. Ngunit napawalang sala siya matapos ang dalawang taon, at noong nakaraang buwan ay pinayagan na siyang makauwi sa ating bansa. Malaking tulong ang pakikipag-ugnayan ng embahada ng Pilipinas sa pamahalaang UAE, at ang pagbibigay nito ng legal na ayuda sa ating kababayan. Patunay itong malaki ang papel na ginagampanan ng pamahalaan sa pagtataguyod ng ating karapatan kahit pa migrante tayo sa ibang bansa.
Sa Amerika naman, libu-libong pamilya mula sa Central America ang tumatawid sa US-Mexico border upang makarating sa bansang sa kanilang pananaw ay makapagbibigay sa kanila ng mas maayos na buhay. Wala na kasi silang nakikitang pag-asang umulad ang kanilang pamilya sa sarili nilang bayan dahil sa katiwalian sa kanilang pamahalaan at laganap na karahasan. Nito lamang Nobyembre, halos 7,500 migrante, kabilang ang mga bata, mula Honduras at Guatemala ang nagsagawa ng caravan patungong Estados Unidos. Ngunit hindi sila tanggap ng marami sa Estados Unidos sa pangunguna ng kanilang pangulong si Donald Trump. Ginawang mas mahigpit ang pagbabantay sa border ng Amerika, kahit pa humantong ito sa paghihiwa-hiwalay ng mga magkakapamilya at pananakit kahit pa sa mga bata. Marami na nga ang pumupuna sa hindi makataong pagtrato ng Amerika sa mga migrante mula sa mga kalapit nilang bansa.
Makatulong sana sa pagtitiyak na mapangangalagaan ang karapatan ng mga migrante ang pagpapatibay ng mga kasapi ng United Nations sa Global Compact for Safe, Orderly and Regular Migration noong nakaraang linggo sa Morocco. Inilalatag ng kasunduang ito ang 23 layunin upang gawing mas madali ang pagiging legal ng mga migrante at gawing mas makatao ang paglipat-lipat ng halos 250 milyong tao sa iba’t ibang bansa. Binibigyang-diin din sa kasunduan ang karapatan sa pagkakaroon ng batayang serbisyo ng mga migrante, legal man o ilegal silang pumasok sa isang bansa. Sinasabi rin sa kasunduan ang pagpapadali ng pagsasamang muli ng mga nagkawalay na magkakapamilya. Itinatakda rin nito ang mekanismo ng paglilipat ng mga social security. Mahalagang hakbang ito para sa mga migrante, ngunit hindi sang-ayon rito ang lahat ng kasapi ng UN, katulad ng Estados Unidos na tumutol na bago pa man maisapinal ang kasunduan.
Mga Kapanalig, kabilang ang mga migrante sa mga kapatid nating mabilis isantabi sa lipunan, kaya’t para kay Pope Francis, tungkulin nating mga Kristiyanong abutan sila ng malasakit o compassion. At sa kaibuturan ng pagmamalasakit na ito ang pagturing sa mga migrante—anuman ang kanilang malalim na dahilan sa pagpasok sa ibang bansa—bilang hindi iba sa atin. Apat na hakbang ang kinakailangan: welcoming o pagtanggap, protecting o pangangalaga, promoting o pagtataguyod ng kanilang pangkabuuang paglago bilang tao, at integrating o pagsama sa kanila sa ating komunidad. Sa madaling salita, pag-ibig sa kapwa ang mag-uudyok sa ating pagmalasakitan sila.
Sumainyo ang katotohanan.