639 total views
Hindi sapat ang pagiging matapat lamang ng isang indibidwal upang magsilbi at maglingkod sa pamahalaan.
Ito ang reaksyon ni Parish Pastoral Council for Responsible Voting Vice Chairman for Internal Affairs Bro. Johnny Cardenas kaugnay sa pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagsasantabi sa Civil Service Eligibility ng mga aplikante sa posisyon sa pamahalaan dahil sa mas mahalaga ang pagiging matapat at hindi tiwali o corrupt.
Ayon kay Cardenas, bagamat mahalagang katangian ang katapatan sa pagiging isang lider o opisyal ng pamahalaan ay mas mahalaga na gawing batayan ang kakayahan ng isang indbidwal.
Ipinaliwanag ni Cardenas na mahalagang matiyak na mayroong sapat na kakayahan ang sinuman upang magampanan ng mahusay ang kanilang mga tungkuling hindi lamang para sa ikabubuti ng pamahalaan kundi para sa pangkabuuang kalagayan ng bayan.
“Tingin ko honestly is not enough, okey yun isa sa malaking batayan na dapat tingnan sa kapasidad ng isang lider, ang isang mahalaga kasi ay yung kakayahan bukod dun sa political will may kakayahan siya kasi kahit honest ka kung hindi mo naman kayang ipatupad yung gusto mong gawin na maganda.Ano ano ang mga naging accomplishments nito, saan siya nanggaling, may kakayanan ba siya na ipagawa yung naiisip niyang magaganda para sa tao at sa bayan…” pahayag ni Cardenas sa panayam sa Radyo Veritas.
Dahil dito, hinimok ni Cardenas ang mga botante na manaliksik sa kakayahan, katangian at karakter ng mga kumakandidato bilang mga opisyal ng bayan.
Iginnit ni Cardenas na nararapat ring magsakripisyo ang mga botante para sa nakatakdang 2019 Midterm Elections sa susunod taon sa pamamagitan ng pagkilala sa mga kandidato at maging sa mga opisyal na itinatalaga sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan.
Sinabi ni Cardenas na ang naturang hakbang ay isang paraan upang maipakita sa bayan ang pagmamalasakit at pakikialam.
Samantala, naunang inihayag ng Commission on Elections na anumang araw ngayong linggo ay isasapubliko na ang opisyal na listahan ng mga kandidato para sa nakatakdang 2019 Midterm Election.
Matatandang matapos ang 5-araw na paghahain ng Certificate of Candidacy noong ika-17 ng Oktubre ay umabot sa 152 ang naghain ng COC para sa pagka-Senador habang umabot naman sa 185 ang naghain ng Certificates of Nomination and Certificates of Acceptance of Nomination upang maging kinatawan ng iba’t ibang Partylist.
Taong 1991 ng nabuo ang PPCRV bilang isang independent, non-profit at non-partisan organization matapos na manawagan ang mga Obispo sa isinagawang Second Plenary Council of the Philippines sa pagpapatupad ng reporma sa halalan sa bansa.
Sa kasalukuyan ay umaabot na sa mahigit 700-libo ang volunteers ng PPCRV mula sa iba’t ibang diyosesis sa buong bansa na layuning maging pangunahing tagapagbantay ng Simbahang Katolika sa pagkakaroon ng isang maayos at tapat na eleksyon sa Pilipinas.