230 total views
Umaasa ang Sangguniang Layko ng Pilipinas na marinig at pakikinggan ng Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang hinaing at panalangin ng mamamayan na itigil na ang ipinatutupad na marahas na mga polisiya ng pamahalaan laban sa ilegal na droga.
Ayon kay Dra. Marita Wasan, Pangulo ng Sangguniang Layko ng Pilipinas hindi na tama at walang pupuntahan ang polisiya ng administrasyong Duterte habang kaawa-awa ang sinasapit ng mga mamamayang Filipino hindi lamang sa marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa droga kundi maging sa pagtaas ng mga bilihin at kawalan ng pangkabuuang katarungang panlipunan sa bansa.
“Nawa ang aking dasal man lamang ay makatulong at makarating ito sa ating Pangulo, tigilan na niya walang pupuntahan, kawawa ang bawat Filipino, hindi tama ang mga batas na kanyang pinapatupad, mapakinggan nawa niya, sana, sana,” ang bahagi ng pahayag ni Wasan sa panayam sa Radyo Veritas.
Dagdag pa ni Wasan, kinakailangang maging bahagi ng solusyon sa kinahaharap na suliranin ng bayan ang mamamayang Filipino.
Apela ni Wasan, bawat isa partikular na sa mga layko ay dapat na magkaroon ng bukas na puso upang mapakinggan ang kwento ng kapwa mga Filipino na nasasadlak sa kahirapan at kriminalidad sa lipunan bago hatulan ang mga ito.
Partikular na tinukoy ni Wasan ang suliranin ng bansa mula sa karahasan na may kaugnayan sa patuloy na insidente ng pagpaslang sa mga may kaugnayan sa ipinagbabawal na gamot.
Paliwanag ni Wasan hindi pagpatay ang solusyon sa problema ng bansa sa illegal na droga kaya’t kinakailangang maliwanagan ang isipan ng bawat Filipino na mayroon tama at makataong paraan upang ipatupad ang kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga na hindi gumamit ng karahasan.
“Yung judgment pakinggan po natin ang kanilang mga istorya, lambutan natin ang ating puso para sa ganun makatulong tayo, let us be part of the solution of this country ito yung tamang solusyon hindi pagpatay, ito yung tamang solusyon, maliwanagan ang isip ng bawat Filipino na sa tamang pamamaraan para mabuhay at maging maayos ang ating gobyerno sa ganito never na magiging maayos kasi may karahasan, alisin natin,” dagdag pa ni Wasan.
Nauna ng iginiit ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo – Chairman, CBCP-Episcopal Commission on the Laity na napapanahon na upang matigil ang marahas na kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga.
Giit ng obispo sa halip na mawakasan ang paglaganap ng ipinagbabawal na gamot sa bansa ay dumarami lamang ang biktima ng karahasan nang hindi man lang nalilitis o nahahatulan sa hukuman.
Batay sa tala ng mga human rights advocates aabot na sa halos 25-libo ang bilang ng mga nasasawi sa marahas na implementasyon ng kampanya laban sa illegal na droga.