201 total views
Inanyayahan ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang mga mananampalataya na bumili ng kopya ng kan’yang ikatlong aklat na “The Gospel of Hope According to Juan and Juana”.
Ayon sa Obispo, laman ng aklat ang mga kwento ng tunay na tao na sa kabila ng hinagpis at kadiliman ay patuloy na nagdadala ng pag-asa.
Kabilang sa mga mababasa sa aklat ang kwento mula sa Marawi, mga biktima ng Extrajudicial Killings, at isang dating mamamatay tao na nagbalik loob sa Panginoon.
“Aabangan ninyo itong mga kwentong ito dahil habang binabasa mo ay kailangang pagnilayang mabuti para tubuan ka talaga ng pag-asa kasi yung ibang mga kwento ay parang kwento ng hinagpis e, parang madidilim na kwento kasi ang punto ko d’yan hindi mo malalaman kung ano ang pag-asa kung hindi ka talaga dumaan ng tukso ng mga hinagpis sa gitna ng kadiliman.,” bahagi ng pahayag ni Bishop David sa Radyo Veritas.
Si Bishop David ay siya ring Bise Presidente ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP).
Inihayag naman ni Bishop David na ang 20 porsyentong bahagi ng kikitain sa bawat aklat na mabibili ay mapupunta sa Gift of Hope Project o Regalo ng Pag-asa para sa mga kabataang kapamilya ng biktima ng Extrajudicial Killings.
Paliwanag ng Obispo, ilalaan ito sa theater workshop ng mga kabataan bilang paraan ng kanilang debriefing, upang maalis ang kanilang mga traumatic experiences mula sa kanilang nasaksihang mga karahasan.
“Marami sa mga batang ito ay mga scholars ng Diocese of Kalookan so dun palang sa edukasyon malaking tulong na pero iniisip namin baka mas makatutulong pa through theater workshop na magbibigay ng paraan sa kanila para makapag debrief sila at lumabas din ang mga talents nila ang galing nila sa theater arts,” dagdag pa ni Bishop David.
Sa kasalukuyan mayroong 30 mga batang anak ng mga biktima ng Extrajudicial Killings na nasa ilalim ng pangangalaga ng Diocese of Kalookan.
Hinihikayat din ni Nina L.B. Tomen, Co-Author sa aklat na The Gospel According to Juan/a series, hindi lamang ang mga katoliko kundi ang lahat ng mga Filipino na basahin ang aklat upang lalo pang mamulat ang bawat isa sa kwento ng mga ordinaryong Filipino.
“Inaanyayahan po namin kayong lahat na bumili nitong libro na to… Ito na yung pangatlo, na una yung Gospel of Mercy, pangalawa yung the Gospel of Love, ngayon yung Gospel of Hope. About current events, mga nangyayari sa ordinary Filipino at makikita n’yo yung hope pagnabasa n’yo yung kwento ng hopelessness ng mga tao,” bahagi ng pahayag ni Tomen sa Radyo Veritas.