917 total views
Mga Kapanalig, nais ni Pangulong Duterte na gawing mandatory muli ang ROTC o Reserved Officers’ Training Corps para sa mga estudyanteng nasa senior high school o grade 11 at grade 12. Handa raw siyang maglabas ng Executive Order upang gawing required ang ROTC. Katwiran niya, paraan ang ROTC upang itanim sa isip ng mga kabataan ang pagiging makabayan.
Suportado ng chairperson ng National Youth Commission o NYC na si Ronald Cardema, lider ng Duterte Youth Movement, ang mungkahi ng pangulo. Para sa kanya, dapat ding gawing mandatory ang Citizenship Advancement Training o CAT sa mga estudyanteng nasa grade 9 at grade 10, gayundin ang scouting program sa elementarya. Mukhang hindi batid—o sadyang hindi inalam—nina Pangulong Duterte at ng NYC chairperson kung bakit hindi na mandatory ang ROTC at CAT.
Noong 2001, pumutok ang isyu ng korapsyon sa ROTC sa isang prominenteng unibersidad. Ayon sa isang mag-aaral, nagbibigay raw sila ng pera sa mga officers upang hindi sila pahirapan sa pagsasanay at upang makapasá sila sa programa. Ang pagsisiwalat na ito ng mag-aaral ay nauwi sa kanyang pagkamatay. Napatunayang kadete ng ROTC ang isa sa mga nasa likod ng krimen at nahatulan siya ng habambuhay na pagkabilanggo, habang hindi pa rin sumusuko ang ibang salarin. Ito ang nagbunsod ng pagsasabatas ng National Service Training Program Act noong 2002 kung saan ginawang optional na lang ang ROTC. Isa na lang ito sa tatlong maaaring gawin ng mga mag-aaral sa ilalim ng National Service Training Program o NSTP. Bukod sa ROTC, maaari silang magbigay ng Literacy Training Service o LTS kung saan nagtuturo ang mga estudyante sa mga bata, out-of-school youth, at iba pang hindi naaabot ng pormal na edukasyon. Maaari rin nilang piliin ang Civil Welfare Training Service o CWTS kung saan tumutulong sila sa mga komunidad sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga pasilidad, pagtulong sa pag-aabot ng serbisyong medikal, at iba pa.
Bakit kaya ROTC lamang ang nakikitang paraan ni Pangulong Duterte upang turuang maging makabayan ang mga mag-aaral? Ano ang katiyakang mawawala ang katiwalian sa programang ito? May mga pagbabago bang gagawin?
Hindi lamang kasanayang-militar na ibinibigay ng ROTC at CAT ang makapagtuturo ng pagkamakabayan sa kabataan. Hindi ba’t mas nahuhubog ng LTS at CWTS sa mga mag-aaral ang kanilang pagkamamamayan at pagmamahal sa bayan sa pamamagitan ng pakikisalamuha sa kanilang kapwa at pagbibigay-serbisyo sa mga komunidad? Hindi ba’t sa halip na sanayin silang humawak ng armas ay mas mabuting turuan silang makipagkapwa sa mga kababayan nating nangangailangan?
Kung may katumbas ang pagiging “makabayan” sa mga prinsipyo ng panlipunang turo ng Simbahan o Catholic social teaching, ito ay ang prinsipyo ng solidarity o pakikiisa. Hinihingi ng prinsipyong ito na tayo ay maging maláy at mulát sa ating tungkuling ibahagi ang ating sarili sa lipunan. At walang iisang paraan upang ipakita natin ang ating pakikiisa sa ating kapwa at kababayan. Maipakikita ito hindi lamang sa pagiging handang lumaban sa digmaan. Maipakikita ito sa pagsisikap na mag-ambag sa kaunlaran ng kaalaman ng ating kapwa, o sa pagsama ng ating boses sa panawagan ng mga tao sa mga komunidad para sa mas maayos na mga serbisyo.
Mga Kapanalig, sa halip na gawing mandatory muli ang ROTC at CAT, mainam na gamitin ng ating mga lider ang kanilang oras at ang pera ng bayan sa pagpapahusay ng sistema ng edukasyon sa ating bansa, gaya ng pagtatayo ng maayos na mga pasilidad at patuloy na pagsasanay sa mga guro. Higit sa lahat, tunay na magiging makabayan ang kabataan kung huhubugin silang mag-isip nang kritikal upang makita ang tama at mali sa kanilang paligid, at mula rito ay kikilos sila upang iangat ang kanilang sarili at ang kanilang kapwa.