610 total views
Nagpaabot ng pagbati ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya sa pagdiriwang sa kapaskuhan at bagong taon.
Hinikayat ng Kardinal ang mga mananampalataya na pagnilayan kung ano ang mga bagay na maipapasa ng mga nakatatanda sa mga kabataan lalo na ngayong ipinagdiriwang din ng simbahan ang taon ng mga kabataan.
Naniniwala si Cardinal Tagle na ang bawat pagdiriwang ng kapaskuhan ay para sa mga bata, dahil dito, umaasa siya na bukod sa edukasyon, at maayos na buhay ay maipamamana din sa susunod na henerasyon ang maalab na pananampalatayang Katoliko.
Giit niya, higit sa anumang regalo, ang biyaya ng pananampalataya ay kailan man hindi masisira, mabubulok, o mawawala, bagkus ito aniya ang magpapanatili ng diwa ng pagkabata sa puso ng bawat isa.
“Lagi nating sinasabi, ang pasko ay para sa mga bata, lagi rin nating sinasabi na ang kinabukasan, bawat taon ay para sa mga kabataan, kaya sa paskong ito at bagong taon, atin pong tutukan ano nga ba ang ating ipinamamana sa ating mga kabataan? sana bukod sa edukasyon, sana bukod sa maayos na buhay, sana ipamana natin si Hesus, ang ating pananampalataya sa kan’ya, yan po ang hindi inaamag, hindi binubukbok, hindi nasisirang regalo, at yan po ang magpapabata sa kanila.” pahayag ni Cardinal Tagle sa Radyo Veritas.
Kaugnay dito, inanyayahan ni Cardinal Tagle ang bawat isa lalo na ang mga nakatatanda na ngayong pasko at bagong taon ay makipagdiwang ang mga ito sa mga kabataan, makisaya, at tuklasin ang sigla ng mga kabataang katoliko.
Ang Year Youth ang ikapito sa mga temang inilahad ng Catholic Bishops Conference of the Philippines, upang maihanda ang mga mananampalataya sa nalalapit na pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Tema sa taon ng mga kabataan ang “Filipino Youth in Mission: Beloved, Gifted, Empowered.
Samantala, tinatayang umaabot naman sa 20 porsyento ng kabuuang populasyon ng mga katoliko sa Pilipinas, ay mga kabataan.