221 total views
Magiging banal ang pinakamadilim na gabi kung sisilay ang liwanag na nanggagaling sa wagas na pag-ibig.
Ito ang bahagi ng pagninilay ng Kaniyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa pagdiriwang ng banal na Misa para sa Pasko ng Pagsilang ni Hesus na Manunubos ng sanlibutan.
Ayon sa Cardinal, may ilang sinasamantala ang pagiging tahimik ng gabi upang makagagawa ng kasalanan, at makapaghasik ng karahasan sa lipunan.
“Maraming gabi ang tahimik, kasi maraming krimen, maraming kalokohan, maraming kasamaan ang pinaplano at ginagawa kapag gabi at ginagawa ng tahimik,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Giit ng Cardinal na ang ganitong uri ng mga gabi ay hindi matatawag na Banal ang gabi tulad ng pagdating ng anak ng Diyos sa sabsaban kung saan nagbubunyi ang mga anghel at tigib ng kabanalan ang sanlibutan dahil sa laganap na karahasan sa pamayanan.
Sa kasalukuyang panahon ayon kay Cardinal Tagle, ang pagiging tahimik ng gabi ay hindi na nangangahulugan ng kapayapaan at kabanalan sanhi ng iba’t ibang uri ng karahasan sa lipunan tulad ng mga pagpaslang, pananamantala at digmaan.
“Pero yung mga Silent Night na pinanatiling ‘silent’ para makagawa ng masama ay hindi Holy Night,” bahagi ng pagninilay ni Cardinal Tagle.
Paliwanag ng Arsobispo, marami sa mamamayan ang patuloy pinatatahimik ang gabi sa pagdurusa dahil sa pananakot at panggugulo ng masasamang tao.
Hamon ng Kardinal sa bawat mananampalataya na ipanumbalik ang pagiging Banal sa katahimikan ng gabi sa pamamagitan ng pagpapalaganap na wagas at dalisay na pag ibig sa kapwa.
Ang pagninilay ng Arsobispo ay kasabay ng paggunita sa ika – 200 anibersaryo ng tanyag na awiting ‘Silent Night’ na unang inawit ng isang pari sa Simbahan sa bansang Austria noong ika – 24 ng Disyembre 1818.
Ang awitin ay nilikha sa gitna ng pag-iral ng panahon ng kahirapan, panahon ng taggutom sa Europa at panahon ng kadiliman subalit ang ‘Silent Night’ ang nagbigay ng kapayapaan at pag-asa hindi lamang sa Europa kundi sa buong mundo.