202 total views
Ipinaalala ng Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa mga mananampalataya na sa pagsilang ni Hesus sa sanlibutan ay inilapit ng Panginoon ang kan’yang sarili sa mga tao.
Sa pagninilay ni Cardinal Tagle sa banal na misa para sa pasko na ginanap sa Missionaries of Charity sa Tayuman, Manila, binigyang diin nito na hindi dapat kalimutan ng mga tao ang anak ng Diyos na si Hesus sa anumang karanasan sa kanilang buhay gaya ng galak, dusa at pag-asa.
Ayon sa cardinal na sa lahat ng pagkakataon ay naroon si Hesus upang samahan ang mga tao, subalit hindi sa paggawa ng kasalanan.
“Lahat ng karanasan ng tao, kapiling natin si Hesus, ‘wag lang sa kasalanan ah, hindi pwedeng sabihin, “Magnanakaw ako, nandito naman si Hesus, kasama ko s’yang nagnanakaw.” Ay hindi! Kasama natin sa lahat, maliban sa kasalanan,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.
Dagdag pa ng Cardinal, ito din ang nagsisilbing paalala sa mga tao na kinakailangang maging responsable ang bawat isa sa anumang bagay na kanilang ginagawa sa pang-araw-araw dahil alam ng bawat isa na ito ay nakikita ni Hesus.
“Lahat ng ating karanasan, saya, dusa, pag-asa, nand’yan si Hesus. At mga kapatid huwag po nating kalilimutan yan, at yan din ang nagbibigay sa atin ng pagiging responsable, dahil alam natin lahat ng ginagawa natin, lahat ng sasabihin natin, sana makita ng iba kasama nga natin si Hesus,” dagdag pa ng Cardinal.
Muling binigyang diin ng Cardinal na si Hesus ang kasa-kasama ng bawat isa sa tuwing kapaskuhan, at hindi dapat matuon sa ibang bagay ang isipan ng mga mananampalataya.
Giit pa ng Cardinal upang madama ng isang tao sa kan’yang kapwa ang Panginoon ay kinakailangang maging kawangis, kasing amoy, at kasing tunog ng bawat mananamapalataya ang Panginoong isinilang sa sanlibutan.
“Ang kapiling natin ay hindi pera, ang kapiling natin ay hindi alak, ang kapiling natin pagpasko hindi paninira, ang kapiling natin si Hesus, kaya dapat amoy Hesus, mukhang Hesus, tunog Hesus,” bahagi ng pahayag ni Cardinal Tagle.