222 total views
Liwanag na namamayani at nagsisilbing tanglaw sa gitna ng dilim.
Ito ang pagninilay ni Diocese of Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara, Chairman ng CBCP – Episcopal Commission on Social Communications sa mensahe ng pagsilang at pagkakatawang tao ni Hesus ngayong Pasko.
Ayon sa Obispo, dapat na makita ng bawat isa maging ng mga kabataan ang ipinagkaloob na biyaya ng Panginoon sa lahat na maipalaganap ang liwanag ni Kristo.
Ipinaliwanag ni Bishop Vergara na sa pamamagitan ng pagbabahagi ng pag-ibig, pagpapatawag, pagkakaisa at kapayapaan ay mas epektibong maipapalaganap ang mabuting balita ng Diyos.
“Yan ang mensahe ng pagsilang ng Panginoon, sa gitna ng dilim siya ang tanglaw at dapat ang mamayani ay ang liwanag ni Hesus kaya nga sana makita din po natin na hindi lang sa kabataan kundi tayong lahat ay binigyan na ng kakayahan na ipalaganap ang liwanag ni Kristo ang mabuting balita ng Diyos, ang mabuting balita ng pag-ibig, pagpapatawad, pagkakaisa at kapayapaan…” pahayag ni Bishop Vergara sa panayam sa Radio Veritas.
Sa Araw ng Pasko ay 15-matatandang may sakit at may kapansanan ang binisita ni Bishop Vergara upang maipagdasal at bigyan ng komunyon.
Sinabi ng Obispo na ang hakbang ay isa lamang paraan na maaring gawin ng bawat isa upang magsilbing liwanag o tanglaw sa buhay ng mga nangangailangan at nawawalan ng pag-asa sa buhay.
Ayon kay Bishop Vergara, ang tema ng idineklarang bagong taon na Year of the Youth ng CBCP sa pagsisimula pa lamang ng panahon ng adbiyento na “Beloved, Gifted and Empowered” ay maituturing din na siyang diwa ng Pasko.
“Pagbati ng mapagpalang Pasko sa lahat po ng ating mga Kapanalig at alam naman po natin na simula pa po nung Advent Season tayo po ay pumasok na sa bagong taon na idineklara ng CBCP na Year of the Youth na may temang “Beloved, Gifted and Empowered” at siguro ito rin yung diwa ng pasko…” pahayag Bishop Vergara.
Ipinaliwanag ng Obispo tulad ng tema ng Year of the Youth na “Beloved, Gifted and Empowered”, ang Panginoong Hesus din ay itinuturing na “Beloved” bilang kaisa-isang bugtong na anak ng Diyos na tumubos sa sangkatauhan mula sa kasalanan.
Sinabi ni Bishop Vergara na si Hesus mismo ang pambihira at natatanging regalo ng Diyos na kinakailangang tanggapin ng buong puso ng bawat isa.
Dahil dito, umaasa si Bishop Vergara na ganap na maisasabuhay ng mga mananampalataya partikular na sa Diocese of Pasig ang tunay na mensahe at diwa ng Pasko upang magsilbi ring biyaya para sa buhay ng kanilang kapwa.
Batay sa tala ng Catholic Directory of the Philippines, mahigit sa 50 ang bilang ng mga Pari ng Diocese of Pasig na nangangasiwa sa mahigit 30 Parokya.